MANILA, Philippines- Nilinaw ng National Police Commission (NAPOLCOM) na ang mga miyembro ng police force ay mahigpit na ipinagbabawal na sumabak sa electioneering o anumang partisan political activity direkta man o hindi direkta, sa lahat ng oras.
Ito ang sinabi ni NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente Calinisan na dapat palaging manatiling neutral sa pulitika ang PNP at hindi dapat mangampanya para o laban sa isang (political) na kandidato.
Sa isang interbyu sinabi ni Calinisan na kahit sa social media, ang mga aktibong pulis ay ipinagbabawal na mag-post ng political content o humingi ng suporta para sa anumang aktibidad na may kinalaman sa pulitika.
“Ang sariling Primer on Personnel Decorum ng PNP ay nagbabawal sa mga post sa social media na nagpo-promote ng partisan politics,” giit niya.
Nauna rito noong nakaraang Lunes, ipinalabas ng mga miyembro ng Philippine National Police Academy (PNPA) Class 1991 ang kanilang suporta kay Vice President Sara Duterte na na-impeach ng House of Representatives sa pamamagitan ng napakaraming 215 lagda.
Kaugnay nito, sinabi naman ni PNP Spokesperson Brig. Gen. Jean Fajardo na ang mga nagtapos sa PNPA na nagretiro sa serbisyo ay may karapatan sa kanilang sariling opinyon.
Maliban sa tatlo na nasa aktibong tungkulin, mayorya ng nasabing batch ayon kay Fajardo, ay nagpahayag ng suporta sa pangalawang pinakamataas na opisyal ng lupain.
Sinabi pa ni Calinisan na dapat panindigan ng mga miyembro ng PNP ang katapatan sa Konstitusyon at unahin ang interes ng publiko kaysa sa personal o political affiliations. Dapat silang manatiling neutral sa lahat ng usapin sa pulitika.
“Bagama’t tinatanggap na, ang mga tauhan ng PNP ay may mga karapatan sa kalayaan sa pagpapahayag gaya ng ginagarantiyahan sa ating Konstitusyon, ang mga karapatang ito ay nalilimitahan ng kanilang obligasyon na mapanatili ang neutralidad at maiwasan ang mga aksyon na maaaring ikompromiso ang tiwala ng publiko at pahinain ang pananaw ng publiko sa kanilang kawalang-kinikilingan,” aniya.
Samantala sinabi pa ng opisyal bilang mga lingkod-bayan, ang mga miyembro ng PNP ayon kay Calinisan, ay dapat umiwas sa paggamit ng kanilang mga posisyon o moral ascendancy upang maimpluwensyahan ang mga resulta ng pulitika.
“Sabi nga, walang tao o grupo ang awtorisadong mag-drag ng pangalan ng Philippine National Police, o ng Philippine National Police Academy, sa anumang partisan political activity. Maaaring isipin ng publiko na ang mga pag-endorso ay sumasalamin sa paninindigan ng aktibong serbisyo, na posibleng makompromiso ang neutralidad at kredibilidad ng mga institusyon,” giit ng opisyal ng NAPOLCOM.
“Bawal mamulitika,” sabi ni Calinisan habang pinapaalalahanan niya ang PNP na ang tungkulin ng pulisya ay ipatupad ang batas nang walang kinikilingan nang walang anumang kulay o pagkiling sa pulitika.
Bukod dito, sinabi pa ni Calinisan ang pangunahing tungkulin ng PNP aniya, ay tiyakin ang kaligtasan ng publiko, ipatupad ang batas, at pagsilbihan at protektahan ang mga tao. Santi Celario