Home NATIONWIDE Alituntunin para sa spending ban sa BSKE 2023, ini-update ng Comelec

Alituntunin para sa spending ban sa BSKE 2023, ini-update ng Comelec

MANILA, Philippines- Ini-update ng Commission on Elections (Comelec) ang kanilang alituntunin sa social welfare projects at public works ban kaugnay ng nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre 30.

Saklaw ng alituntunin ang pagbabawal sa pagpapalabas, pagbabayad, o paggasta ng mga pampublikong pondo para sa mga proyekto ng kapakanang panlipunan, pagtatayo ng mga pampublikong gawain, at paghahatid ng mga materyales para sa mga pampublikong gawain na may kaugnayan sa BSKE, alinsunod sa Resolusyon Blg. 10944.

Para sa mga social welfare projects na ipatutupad ng barangay, ang panahon ng pagbabawal ay mula Oktubre 20 hanggang 30, 2023.

Sinabi ng Comelec na exempted sa pagbabawal sa pamamahagi ng AICS, gayunman, ang mga karaniwang ibinibigay sa mga kwalipikadong indibidwal tulad ng, ngunit hindi limitado sa, mga pangunahing pangangailangan sa anyo ng pagkain, transportasyon, medikal, edukasyon, burial, at iba pang katulad na tulong.

Malinaw din na exempted sa mga pagbabawal na ito nang hindi nangangailangan ng paunang awtoridad mula sa komisyon ay ang pagpapalabas at paggasta ng mga pampublikong pondo para sa relief o iba pang mga kalakal na ipamamahagi sa mga apektadong indibidwal at/o pamilya sa mga kaso ng kalamidad.

Dapat isumite ang mga kahilingan para sa exemption at exception para sa mga proyekto, aktibidad, at programa na nauukol sa social welfare at mga serbisyo sa Law Department sa pamamagitan ng email, personal na pagsusumite, o courier nang hindi lalampas sa Set. 1, 2023.

Ang digital o scanned copy ng kahilingan ay dapat na i-email sa [email protected], at ang hard copy ay kailangang maihain sa parehong araw nang personal o sa pamamagitan ng courier sa Law Department, Commission on Elections, 8th Floor Palacio del Gobernador, Intramuros, Manila.

Maaring maghain ang sinumang interesadong partido ng na-verify na oposisyon sa loob ng tatlong araw mula sa paghain ng kahilingan para sa exemption sa pamamagitan ng email sa Office of the Clerk Commission (0COC) sa [email protected], copy furnished  sa Law Department sa law.socialservices @comelec.gov.ph.

Pinaalalahanan din ng Comelec ang lahat ng punong-barangay na bago magsimula ang panahon ng public works ban, mula Oktubre 20 hanggang 29, ang mga sumusunod ay kailangang isumite sa Law Department.

Sinabi ng poll body na kung walang patuloy na konstruksyon at/o pagpapanatili ng mga kalsada at tulay na pinondohan ng barangay, hindi na kailangan ang pagsusumite.

Ang mga nakasulat na kahilingan para sa pag-iisyu ng Certificate of Exception ay dapat na may kasamang naaangkop na sertipikasyon, iba pang mga kinakailangan sa dokumento, at patunay ng pagbabayad para sa hindi maibabalik na bayad sa sertipikasyon na P1,000 bawat proyekto.

Ang mga kahilingan ay dapat nasa PDF format at isumite sa pamamagitan ng email sa [email protected]. Ang hard copy ay kailangang maihain sa parehong araw nang personal o sa pamamagitan ng courier sa Law Department, Commission on Elections, 8th Floor Palacio del Gobernador, Intramuros, Manila.

Pahihintulutan naman ang pagpapalabas, pagbabayad, o paggasta para sa mga proyekto at programa na nangangailangan ng paggamit ng ibang mga pondo ng estado  kung ito ay sumusunod sa mga alituntuning ibinigay sa Commission on Audit (COA) Circular No. 2013-004 na may petsang 30 Enero 2013, gayundin sa iba pang mga kondisyong itinakda sa Comelec Resolution No. 10944. Jocelyn Tabangcura-Domenden