MANILA, Philippines – Pabor ang mga senatorial candidates ng administrasyon sa ilalim ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas sa Jeepney Modernization program na itinutulak ng gobyerno subalit pangunahin nilang konsiderasyon ay hindi dapat mahirapan ang mga Public Utility Vehicles(PUV) operator at driver.
Sa isang pressconference ng Alyansa na ginanap sa Talisay City sa Negros Occidental, kapwa iginiit ng mga senatorial bets na kapakanan pa rin ng mga driver ang syang dapat na unahin.
Para kay reelectionist Francis Tolentino dapat may “win-win” solution bago ipatupad ang programa, aniya, dapat alisin ang agam agam ng mga driver na ang pagpapatupad ng modernisasyon sa jeepney ay magpapahirap sa kanilang hanay.
Kung si dating DILG Secretary Benhur Abalos ang tatanungin ay pabor sya sa konsepto ng kooperatiba sa ilalim ng Jeepney Modernization at dapat ay mayroong opsyon o choice ang mga driver at hindi lamang ilatag sa kanilang ang iisang konsepto.
Gusto naman ni dating Senator Ping Lacson na hindi dapat mawala ang individual ownership ng drayber o operator sa kanilang mga dyip.
“Kasi kapag pinalitan mo ‘yong napakatagal nang kultura, talagang magkakaroon ng conflict. Ang iniiwasan ng mga drivers mawala ‘yong kanilang individual ownership ng prangkisa. Bakit hindi natin i-combine? Hindi mawawala individual pa rin ‘yong prangkisa, possibly pwedeng gawing requirement na mag-member sila ng kooperatiba. Pero hindi nila bibitiwan or mare-retain nila ‘yong kanilang franchise sa kanilang jeepney para masabi nila kasi kapag inilipat sa kooperatiba, parang feeling nila nawalan sila ng ownership, hindi ba?” paliwanag ni Lacson.
Sa panig ni dating Senator Manny Pacquiao, nais naman nitong mapanatili ang tradisyunal na disenyo ng mga jeepney.
“Sa akin, ‘wag siguro nating palitan iyung pinagmamalaki ng Pilipino, ‘yung design ng jeepney natin kasi ‘pag makita mo ‘yung jeep na ‘yan, Philippines kaagad ‘yan ang mukha,” ani Pacquiao.
Kasama rin sa 12-member Senate slate ng ‘Alyansa’ sina Makati City Mayor Abby Binay, Senator Ramon Bong Revilla, Senator Pia Cayetano, Senator Imee Marcos, Senator Lito Lapid, dating Senate President Vicente “Tito” Sotto III, dating Social Welfare Secretary Erwin Tulfo at Deputy Speaker Camille Villar.
Gaya ng mga naunang campaign sortie ng Alyansa ay pinangunahan din ni Pangulong Bongbong ang Negros Occidental leg ng campaign rally na ginanap sa Victorias City Coliseum, ang administration senatorial slate ay mainit na sinalubong ng kanilang 10,000 supporters.
Nagpaabot ang mga senatorial candidates ng kanilang pasasalamat sa mga Local Governmenyt Officials sa pangunguna nina Victoria City Mayor Javi Benitez at Bacolod City Mayor Albee Benitez. Gail Mendoza