Home METRO Amasona na lider ng NPA, hitman arestado

Amasona na lider ng NPA, hitman arestado

NEGROS OCCIDENTAL- Nadakip ng tropa ng pamahalaan ang isang amasona na lider ng New People’s Army (NPA) at kasama nitong hitman sa pinaigting na hot pursuit operation ng 79th Infantry Battalion, sa bayan ng Taboso.

Sa pinagsamang operasyon ng 79IB, Toboso Municipal Police Station, 1st and 2nd Negros Occidental Police Mobile Force Company (NOCPMFC), 6th Special Action Battalion, PNP-SAF, nadakip na suspek na kilala sa alyas na “Ka Pinky” 5, mataas na lider ng Regional Headquarters Komiteng Rehiyon Negros, Cebu, Bohol, and Siquijor (RHQ-KR NCBS).

Nahuli din ang kasama nitong si Roger Fabillar alias “Arnel Tapang” hitman ng NPA at may P1 milyong patong sa ulo.

Sa report ng pulisya, nadakip ang mga suspek noong Sabado sa Barangay Bandila, Toboso, Negros Occidental.

Sinabi ng mga awtoridad na may ipinalabas na warrant of arrest noong Jan. 27, 2021 ang Regional Trial Court Branch 59, San Carlos City sa kasong attempted murder at walang piyansa.

Una rito, noong Biyernes ng hapon, rumesponde ang tropa ng 79IB sa Sitio Tauma hinggil sa report nanatanggap mula sa mga residente na may mga armadong grupo ng NPA.

Sa pagresponde ng mga sundalo, agad silang sinalubong ng mga putok ng baril ng mga teroristang grupo na nauwi sa 12-minutong palitan ng putukan matapos umtaras ang mga rebelde.

Narekober sa lugar ng pinangyarihan ng engkwentro ang isang 5.56mm assault rifle, isang caliber .38 revolver, isang maiksing magazine para sa AK47 assault rifle, dalawang magazine para sa kalibre .45 na baril at iba’t ibang mga live ammunition.

Natunton naman ng militar ang kuta ng mga natitirang miyembro ng rebeldeng NPA, dalawang backpack, mga medikal na kagamitan at mga gamot, mga suplay ng pagkain, ilang personal na gamit, at mga subersibong dokumento.

Sa pahayag ni Lt. Col. Arnel Calaoagan, commander ng 79IB, ang engkwentro at pagkakadakip sa lider ng komunistang grupo ay isang patunay ng pagkakaisa, kagitingan at hindi natitinag na dedikasyon na ipinakita ng komunidad at mga sundalo.

“It is a clear manifestation of the relentless efforts of the ‘Masaligan’ troopers to hunt down every Communist Party of the Philippines-New People’s Army personality and bring justice to the victims of their brutal killing spree and atrocities,” dagdag pa nito. Mary Anne Sapico