Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA), mararanasan ang epekto ng Northeast Monsoon (amihan) sa Hilaga at Gitnang Luzon, habang ang easterlies naman ay makaaapekto sa ibang bahagi ng bansa ngayong Biyernes.
Ang mga rehiyon ng Caraga, Davao, SOCCSKSARGEN, Catanduanes, Hilagang Samar, Silangang Samar, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi ay magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat dulot ng easterlies.
Nakaamba rin ang banta ng flash floods at landslides dahil sa katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Sa Batanes, maulap ang kalangitan na may pag-ulan dulot ng amihan, na maaari ring magdulot ng flash floods at landslides. Sa Ilocos Region, Cordillera, Gitnang Luzon, at natitirang bahagi ng Lambak ng Cagayan, asahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mahihinang ulan ngunit walang malaking epekto.
Sa Metro Manila at iba pang lugar, magkakaroon ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang pag-ulan o pagkulog-pagkidlat dulot ng easterlies, na may posibilidad ng flash floods o landslides tuwing may malalakas na bagyo.
Sa buong bansa, mahina hanggang katamtaman ang hangin mula silangan hanggang hilagang-silangan, at banayad hanggang katamtaman ang pag-alon sa dagat. RNT