COTABATO CITY- Umabot P1 milyong halaga ng hinihinalang shabu ang nasamsam ng mga awtoridad sa isinagawang buy-bust operation na ikinadakip ng suspek, kagabi sa bayan ng Kabacan.
Sa pinagsamang operasyon ng Regional Drug Enforcement Unit at Kabacan Municipal Police Station, nadakip ang suspek na kinilalang si Salahudin Mabang, 38-anyos, soltero at residente ng Datu Piang Street, Poblacion, Pikit, Cotabato.
Sa report ng pulisya, bandang alas-8:56 ng gabi noong Miyerkules, Enero 22, 2025, nahuli ang suspek sa Purok 5, Barangay Osias, ng nasabing bayan.
Nakuha sa suspek ang dalawang malalaking pakete na naglalaman ng shabu na may bigat na 100 gramo at isang malaking pakete na may timbang na 25 gramo, limang katamtaman ang laki na pakete na may shabu na may timbang na limang gramo bawat isa, isang maliit na pakete na may timbang na 0.5 gramo at may kabuuang halaga na P1,023,400.
Narekober dina sa suspek ang marked money na nagkakahalaga ng P2,000.
Nagpapatuloy naman ang ginagawang follow-up investigation ng pulisya para matunton ang iba pang kasabwat ng suspek na ngayon ay nahaharap sa kasong paglabag sa illegal drugs. Mary Anne Sapico