Home OPINION ANG ‘MISCHIEVOUS” NA MISIS NG PANGULO

ANG ‘MISCHIEVOUS” NA MISIS NG PANGULO

BAGO mag-weekend, isang pahayag kontra kontrobersiya ang umalingawngaw mula sa DZRH galing sa presidential palace: isang pagpapaliwanag mula sa nag-viral kamakailan na video.

Isa iyong pag-amin na kinuha nga niya ang champagne glass na hawak ni Senate President Chiz Escudero, uminom mula roon “mischievously,” ‘tsaka ibinalik iyon sa senador na nagmistulang waiter niya.

Bilang isang Unang Ginang ng Republika, mistulang walang ideya si Liza Araneta Marcos sa kaseryosohan ng papel na dapat niyang gampanan. Ang vin d’honneur, isang pagtitipong seryoso at may dignidad, ay hindi ang lugar para sa mga biruan at personal na usapan.

Bilang asawa ng Presidente, inaasahan mula sa kanya ang mga asal na karapat-dapat, lalo na sa harap ng dignitaries mula sa iba’t ibang bansa at  mga respetadong panauhin.

Ang kanyang inasal, na inilarawan bilang pagpapasaway at pagbibiro sa isang malapit na kaibigan o kakilala, ay hindi lamang pambabalewala sa pagiging pormal ng okasyon kundi negatibo ring sumasalamin sa dignidad ng tanggapang kanyang kinakatawan.

Ang ginawa niya ay nagpababa sa respeto at paggalang na iniuukol sa pinakamakapangyarihang tao sa bansa. Dahil dito, nagkaroon ng batik ang seryosong pagtitipon, gayundin ang respetong dapat na ipinagkakaloob ng kanyang pamilya sa mga pinuno ng iba pang sangay ng gobyerno.

                       Iskandalo sa Project 4

Nitong Sabado ng umaga, isang nakaaalarmang balitang “hostage-taking” ang nangyari sa kalapit naming komunidad sa Aurora Boulevard sa Quezon City.

Sa umpisa, sinasabing apat na armadong lalaki raw ang sumalakay sa loob ng isang bahay sa Magat Salamat sa Project 4, binihag ang lahat ng nakatira bago pinalaya ang isang lalaking may sakit at dalawang anak na batang babae.

Dumaan ang SWAT team ng Quezon City Police District bago magtanghali at natapos ang hostage drama bago gumabi.

Sa huli, iniulat ng pulisya na walong katao ang inaresto, kabilang ang isang babaeng nakatira sa bahay na may pakana raw sa pagkubkob  at hindi pagpapapasok ng sinoman doon dahil bahay n’ya raw iyon.

Nakapaghain na ng mga kasong trespassing at alarm and scandal ang tunay na may-ari ng bahay. Pero nababahala ang Firing Line na itinuring lang na maliit na bagay ang ganitong klase ng gawaing kriminal. Nangangamoy syndicated crime! Ano sa tingin n’yo, Police Station 8?

Marahil ang kasong ito at ang walong suspek ay dapat lang na imbestigahang maigi. Kahit pa ang China, na buong kapal ng mukhang labas-pasok sa mga hangganan ng ating teritoryo sa West Philippine Sea, ay walang ganoong tapang para okupahin ang sala ng isang bahay.

Ang krimeng ito ay hindi simpleng alarm and scandal o trespassing lang. Kung totoong armado ang mga sumalakay sa bahay at nagawa nilang palayasin ang mga totoong nagmamay-ari niyon habang tumatangging papasukin ang mga pulis na maghapon nilang dinedma – pinagmukha palang tanga ng mga kriminal na ito ang mga pulis at ang atin mismong justice system.

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).