Home OPINION ANO ANG CHA-CHA PARA SA LEGAL LUMINARIES?

ANO ANG CHA-CHA PARA SA LEGAL LUMINARIES?

SIMULA nang lumitaw ang grupong People’s Initiative for Reform Modernization and Action o PIRMA  noong nakaraang buwan at isulong ang puwersahang pag-usad ng Charter change o Cha-cha, naghumiyaw na ang pagkakahating politikal sa ruling party.

Ang hirap pakinggan nang pagdedebate ng mga senador at kongresista sa isyu, dahil bagama’t may punto ang kani-kanilang argumento, nahahalata natin mismo ang sangkot na pansariling interes at ang away politikang kinahinatnan nito.

Dahil d’yan, ibabahagi ko na lang ang pananaw ng mga eksperto sa batas na kumpiyansang naglahad ng kanilang opinyon sa planong amyendahan ang 36-anyos na Konstitusyon ng ating republika.

Hindi nagpaligoy-ligoy si retired Chief Justice Hilario Davide Jr. nang sabihin niyang ang anomang pagtatangkang pakialaman ang Saligang Batas ay “cha-cha dance leading straight to the grave or to hell.” Taglay ang talas ng isip ng isang beteranong hukom, pinasubalian niya ang pinaniniwalaan ng ilan na mareresolba ang mga problema sa ekonomiya kapag naamyendahan ang ilang probisyon ng batas, iginiit na sa halip na solusyon, mas malamang na magresulta pa sa mas maraming problema ang gagawing pag-amyenda.

Ganito rin ang sentimyento ni Christian Monsod, dating chairman ng Commission on Elections at isa sa mga bumuo ng Saligang Batas, binigyang-diin ang pangangailangang mas dapat unahing tugunan, ang pag-aangat sa kalidad ng edukasyon sa bansa, kaysa pagdiskitahan ang nananahimik na Konstitusyon. Ipinagdiinan ng prangka niyang opinyon ang nakalulungkot na reyalidad na kulelat ang mga estudyanteng Pilipino sa mga pandaigdigang assessment, lantarang binutasan ang argumento ng Charter change.

“Legal bombshell” naman ang pinakawalan ni Vicente Mendoza, retiradong Supreme Court associate justice, nang sabihin niyang ino-obliga ng umiiral na Konstitusyon ang hiwalay na pagboto ng Kamara at Senado sa isang constituent assembly. Malinaw ang mensahe ng metikuloso niyang paghimay sa intensiyon at kasaysayan ng batas: ang anomang pagtatangkang balewalain ang prosesong ito ay hindi rin magiging balido.

Pinuntirya ni Adolfo S. Azcuna, isa pang dating mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman, ang mismong idinadahilan sa Cha-cha nang mangatwiran siya laban sa pagtatakda ng ownership restrictions alinsunod sa Konstitusyon. Ang panawagan niyang magkaroon ng ‘flexibility’ sa mga polisiyang pang-ekonomiya, na nakabatay sa pagkukumpara ng sitwasyon natin sa ibang bansa, ay nagbunyag sa katawa-tawang pagkakasama ng mga nasabing probisyon sa Saligang Batas.

Nasapul naman ni Chel Diokno, namumuno sa Free Legal Assistance Group, ang napakahalagang punto nang ibaling niya ang debate sa mga tunay na problemang gumigiyagis ngayon sa bansa: hindi patas na sistemang ligal at ang namamayaning political exploitation. Klaro ang alingawngaw ng maikli niyang paalala na mamamayan ng bansa dapat ang pinaglilingkuran ng Konstitusyon at hindi political agenda.

Reyalidad ng buhay ang pinagtuunan ni Ariel Inton, na kumakatawan sa Lawyers for Commuters Safety and Protection, nang binigyang-diin niya ang hindi raw ikinokonsiderang epekto ng Charter change sa sektor ng transportasyon. Dahil sa argumento niyang ito, napilitan ang mga nagsusulong ng Cha-cha na harapin ang isang importanteng katanungan: Paano makaaapekto ang mga aamyendahang probisyon ng batas sa sektor na nagsisilbing lifeline ng milyun-milyong pasahero?

Inalerto naman ni Neri Colmenares, chairman ng Bayan Muna, ang lahat sa panganib na maaaring idulot ng pagpupumilit sa Charter change. Napaisip sila sa emosyunal niyang babala tungkol sa posibleng backhanded tactics at ang pagguho ng mga proteksiyong demokratiko, naging mas malinaw ang pangangailangang magkaroon ng alistong oposisyon. Sa paglalahad ng mga suspetsa sa isang organisado at may pondong kampanya na maaaring isabotahe ang demokratikong proseso, binigyang-daan ni Colmenares ang pagninilay-nilay sa integridad ng buong kampanyang ito.

                                             *        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.

 

Previous articlePAGTAAS NG CASE RATE COVERAGES NG PHILHEALTH, MAGSISIMULA SA ARAW NG MGA PUSO 
Next articleAKSIDENTE SA DAAN, e-BIKE DUMAGDAG PA?