Home OPINION AKSIDENTE SA DAAN, e-BIKE DUMAGDAG PA?

AKSIDENTE SA DAAN, e-BIKE DUMAGDAG PA?

NAKABABAHALA ang mga balita ng aksidente sa lansangan. Nito lamang nakaraang buwan, dalawang indibidwal ang nagbuwis ng buhay sa Pangasinan sa magkahiwalay na insidente.

Namatay ang isang 60-anyos na babae nang mabangga ito ng isang sasakyan habang tumatawid sa isang kalye sa siyudad ng San Carlos noong gabi ng January 27, 2024. Sa kaparehong araw, sugatan ang isang rider at sinawimpalad ang babaeng kaangkas nito nang bumangga ang kanilang motorsiklo sa pader at sasakyang nakaparada sa isang kalsada ng Barangay San Isidro, Binmaley.

Ano kaya ang mabisang paraan para tuluyan nang maiwasan ang mga ganitong aksidente?

Sa global status report on road safety noong 2009, inihalintulad ng World Health Organization o WHO ang mga aksidente bilang isang pandemya na kumikitil ng maraming buhay sa mundo.

Sa kanilang 2018 GSR na lumabas, umaabot sa 1.35 milyong tao kada-taon o 3,700 katao araw-araw ang namamatay sa mundo dahil sa naturang aksidente. Hindi pa rito kabilang, dear readers, ang mga naging baldado, nagtamo ng minor injuries at property damage.

Sa talaan ng Metro Manila Development Authority noong 2020 road crash statistics report, umabot sa 337 katao ang namatay; 14,465 kaso naman ang sugatan; at  50,230 kaso ng pagkasira ng ari-ariang dulot ng road crashes na nangyari sa Kalakhang Maynila.

Ngayon, mukhang may dumagdag pang isang problema dahil sa pagkalat at paglipana sa mga highway at national road ng mga e-light vehicle na mas kilala sa katawagang “e-bike.” Nakagugulat ang mga nakikitang post sa social media tungkol sa ganitong uri ng sasakyan na madalas na nagka-counter flow at hindi nagbibigay respeto sa iba pang batas-trapiko. Take note dear readers, sa highway at national road sila namataan, tsk-tsk-tsk anebeyen! Kaya naman hindi nakapagtatakang maaksidente ang ilan sa kanila.

Aba, kailangan ng kumilos ang mga awtoridad bago pa man dumagdag sa numero ang mga kababayan nating masasangkot o masusugatan dahil sa iresponsableng pagmamaneho nito. May mga limitasyon kasi ang mga e-light vehicle sa kalsada, ayon sa Land Transportation Office.

Hindi tayo nakababasa ng opisyal na police report ng anomang aksidente pero pihadong may kinalaman ang over speeding, hindi pagsusuot ng seatbelt o helmet (para sa motorcycle), disregarding traffic signs, distracted driving, drunk driving, expired license, lack of training at iba pang may kinalaman sa mga paglabag sa traffic rules.

Eh, ano pa nga ba ang magagawa natin sa ngayon, kundi ang mag-ingat na lang muna habang hinihintay natin ang pangmatagalang solusyon ng mga awtoridad.

 

 

 

Previous articleANO ANG CHA-CHA PARA SA LEGAL LUMINARIES?
Next article‘RESO’ SA CONSTITUTIONAL AMENDMENT ‘DI DAPAT MADALIIN