Home OPINION ‘RESO’ SA CONSTITUTIONAL AMENDMENT ‘DI DAPAT MADALIIN

‘RESO’ SA CONSTITUTIONAL AMENDMENT ‘DI DAPAT MADALIIN

MAKATWIRAN ang paninindigan ni Senate President Juan Miguel  “Migz” Zubiri na huwag madaliin ang resolusyon na naglalayong amyendahan ang ilang probisyon sa 1987 Constitution.

Kaya naman sang-ayon sa kanya sina Senate Majority Leader Joel Villanueva, Senator Juan Edgardo “Sonny” Angara, chairperson ng Senate sub-committee on Constitutional Amendments and Revision of Codes, at iba pang senador.

Nais ng mga mambabatas mula sa Mataas na Kapulungan na busisiing mabuti ang paggawa ng Resolution of Both Houses No. 6.

Ang pagkakaalam ng marami, ang sangay ng lehislatura ay ‘deliberative’ na ang ibig ipakahulugan ay mag-ingat na pinag-aaralan at hinihimay na mabuti ang mga panukala upang makatiyak ang kabuuan ng Senado na ang kanilang trabaho ay para sa ikabubuti ng mayorya ng mamamayang Pilipino.

Eto kasing mga mambabatas sa Mababang Kapulungan o ang mga kongresista ngayong 19th Congress sa ilalim ng pamumuno ni House Speaker Martin Romualdez ay nasanay sa “railroading” o mabilisang pagpapatibay ng mga panuakalang batas na sa bandang huli ay lalabas na bara-bara kaya napapalpak.

Nakabibilib itong si Papa Migz dahil sabi niya, hindi magpapa-pressure ang Senado kahit pa nagbigay ng deadline ang mga kongresista sa pagpapatibay ng pag-amyenda ng Konstitusyon.

Wow! ‘Yan ang Senate President, may paninindigan. Walang pakialam ang Senado kahit pa gusto ng mga Kongsulsol este Kongresista na agad maaprubahan ang resolusyon ngayong darating na buwan ng Marso at maisalang na kaagad sa Hulyo para sa plebisito.

Ano nga ba ang dahilan ng Kongreso at nais ng mga ito na i-railroad ang 1987 Constitution? May napangakuan na ba ang mga mambabatas na pagbebentahan ng mga lupain sa bansa? O may nakatransaksyon na sila na kukuha o magpapatakbo ng “public utilities” mula sa pamahalaan?

Sorry na lang ang grupo ni Chong Martin, dahil ang target ng Senado ay maisalang sa plebisito ang maaaprubahang resolusyon para sa pag-amyenda ng Saligang Batas sa 2025 kasabay ng mid-term elections. Ito ay upang makatipid ang pamahalaan ng bilyong pisong dapat ay gagastusin sa plebisito.

Dapat na palakpakan at hangaan ng mamamayan ang Senado sa pangunguna ni SP Zubiri dahil may malasakit sila sa  pagsisinop ng salapi ng mamamayan na nasa kaban ng bayan. Makabubuting gastusin sa kapaki-pakinabang na proyekto ng gobyerno para sa mamamayan sa halip na luho ng iilang pulitiko.

O, matutong rumespeto ang mga kongresista sa nais ng Senado na repasuhing mabuti ang RBH no.6 para makatiyak na mas magiging malaki ang pakinabang ng taumbayan.

Previous articleAKSIDENTE SA DAAN, e-BIKE DUMAGDAG PA?
Next articleNAKAMAMATAY NA AMIHAN AT ULAN