MANILA, Philippines – Nangako ang Akbayan Party-list na ihahain nila ang mga mahahalagang panukalang batas sa pagbubukas ng ika-20 Kongreso. Kabilang dito ang pagwawakas sa endo o kontraktuwalisasyon, pagbabawal sa political dynasty, at pagbibigay ng ayuda sa mahihirap na estudyanteng kolehiyo.
Ayon kay Rep. Perci Cendaña, hangad nilang tiyakin ang job security ng mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng anti-endo bill.
Kasabay nito, nais din nilang putulin ang siklo ng kahirapan sa pamamagitan ng “Baon Bill” na magbibigay ng ₱5,000 buwanang allowance sa mga estudyanteng mula sa mga pamilyang benepisyaryo ng 4Ps.
Tututukan din ng Akbayan ang pagsasabatas ng probisyon laban sa political dynasty na nasa Saligang Batas. Balak nila itong palawakin sa labas ng saklaw ng SK Reform Law.
Iba pang isusulong ng partido ang Student Rights and Welfare Bill, SOGIESC Equality Bill para sa karapatan ng LGBTQ+ community, at isang panukalang batas para sa alternatibong pamamahala sa pagmimina upang matigil ang mapaminsalang pagmimina sa bansa. RNT