Home OPINION ANYARE NA NAMAN SA PNP?

ANYARE NA NAMAN SA PNP?

ITINAAS ang sahod ng mga pulis para hindi na sila “sumabit” pa sa mga iligal na aktibidad.

Bukod sa suweldo, pinagkalooban pa sila ng malaking allowance at kung ano-anong benepisyo, huwag lang gumawa ng mga kabulastugan.

Ipinakita ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang buong suporta sa mga pulis para hindi na sila maligaw nang landas at gawin ang kanilang tungkulin na pagsilbihan at protektahan ang taumbayan.

Pero anong nangyari at may mga unipormado pa ring pasaway?

Akala mo’y mga patay-gutom na pinababayaan ng gobyerno o hindi pinasusweldo at patuloy sa paggawa ng katarantaduhan.

Halimbawa na lang itong mga pulis na nasangkot sa kidnapping for ransom sa mga Chinese at Malaysian.

Ipinakita sa mga balita kung gaano kaorganisado ang KFR group na ito na mula sa iba’t ibang yunit ng PNP.

Mayroon pa raw silang kasabwat mula sa Burea of immigration para maging taga-nguso ng dayuhang kikidnapin.

Kabisadong-kabisado ang kanilang ginagawa at tila matagal na nila itong modus-operandi.

Mukha ring sa tagal na nila itong ginagawa, malamang eh, marami na silang nabiktima. Sa lakas ng kanilang loob na gumawa ng karumal-dumal na krimen, posibleng may matataas silang opisyal na backer.

Dapat sigurong talupang maigi ang isyung ito nang matuklasan kung sino ang puno ng kanilang sindikato.

Natatakot na naman ang taumbayan dahil may mga pulis na naman na imbes na magpoprotekta, baka ang mga ito  ang mga kriminal na bumiktima sa kanila.