MANILA, Philippines — Arestado ang apat sa anim na suspek sa pagnanakaw ng tatlong kahon ng sigarilyo na nagkakahalaga ng ₱240,000 sa isang convenience store sa Brgy. Poblacion Uno, Malabuyoc, Cebu, ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) nitong Biyernes, Hulyo 25.
Naaresto ang mga suspek dakong alas-9 ng gabi sa Sudlon, Brgy. Lahug, Cebu City sa isinagawang hot pursuit operation ng CIDG Cebu Provincial Field Unit, Toledo City Police Station at Malabuyoc Municipal Police Station.
Kinilala ang mga naaresto na sina Jimmy Villareña Risco, 62, ng Barangay Lantad, Silay City, Negros Occidental; Rafael Magbanua Miasis, 38, ng Barangay Mohon, Iloilo City; Noevie Gedorio Abilo, 38, ng Barangay Mohon Santa Cruz, Iloilo City; at Amy Ferrer Panisa, 53, residente rin ng Barangay Lantad, Silay City.
Lahat sila ay residente ng Barangay Basak San Nicolas, Cebu City.
Ayon sa imbestigasyon, nakuhanan ng CCTV ang mga suspek habang ninanakaw ang tatlong kahon ng sigarilyo sa naturang tindahan noong Hulyo 22. Agad namang humingi ng tulong sa pulisya ang may-ari ng tindahan na si Dwight Kin Tecson, 54.
Sinimulan ng CIDG ang parallel investigation at backtracking sa mga CCTV camera sa paligid ng pinangyarihan ng krimen, na nagresulta sa pagkakakilanlan ng sasakyang ginamit ng mga suspek—isang itim na Toyota Innova na taxi.
Natunton ng mga awtoridad ang address ng taxi company sa Brgy. Jagobia, Mandaue City. Sa tulong ng driver ng taxi, positibong kinilala ang mga suspek na nagtungo sa Malabuyoc.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng CIDG ang mga suspek habang inihahanda ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa kanila. RNT/JGC