MANILA, Philippines – Umaasa si economist at dating kongresista Joey Salceda na papasok ang Pilipinas sa isang free trade agreement (FTA) sa Estados Unidos, kasunod ng pakikipagpulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kay US President Donald Trump sa White House kamakailan.
Ayon kay Salceda, positibong hakbang ang alok ng Pilipinas na zero tariffs sa ilang produkto mula Amerika kapalit ng mas mababang buwis sa Philippine exports patungong US.
“When Marcos said we are offering you zero tariffs, that is an invitation we can do an FTA,” pahayag niya sa isang news forum sa Quezon City.
Sinabi rin ni Salceda na ngayong mas bukas na si Trump sa bilateral trade talks kumpara sa multilateral partnerships, posible nang maabot ng Pilipinas ang isang FTA.
Matatandaang hindi nakasali ang bansa sa Trans-Pacific Partnership (TPP) ng administrasyong Obama dahil sa rekisitong foreign land ownership na labag sa 1987 Constitution.
Noong Miyerkules ng madaling araw (oras sa Pilipinas), inihayag ni Trump ang bagong 19% tariff rate para sa ilang produkto ng Pilipinas na papasok sa US na mas mababa kaysa sa 20% na nauna niyang ipinahayag ngunit mas mataas kaysa sa 17% rate noong Abril.
Bagamat sinabi ni Trump na “open market” na ang Pilipinas para sa mga US goods, nilinaw ni Pangulong Marcos na ang zero tariffs ay ilalapat lamang sa ilang sektor gaya ng automobiles.
Dagdag pa ni Marcos, tumaas ang commitment ng Pilipinas sa pag-aangkat ng soy, wheat, at pharmaceuticals mula sa Amerika.
Ayon kay Frederick Go, Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs, hindi kasama sa zero tariff scheme ang mga sensitive agri-fisheries commodities mula sa US upang maprotektahan ang lokal na sektor.
Paliwanag ni Salceda, 31% lamang ng Philippine exports ang sakop ng ipinataw na 19% tariff ni Trump, habang ang natitirang bahagi tulad ng electronics, kahoy, metal, fuel, at kemikal ay exempted dahil sa umiiral na trade agreements.
Sa kanyang kalkulasyon, nasa 6.3% lamang ang effective tariff rate na pabor pa umano sa Pilipinas.
“Definitely, from tariff savings alone there will be higher consumer welfare aside from the creation of jobs from new investments in manufacturing,” dagdag ni Salceda.
Ayon sa datos ng US Trade Representative, umabot sa $23.5 billion ang kabuuang kalakalan ng US at Pilipinas noong 2024. Sa bilang na ito, $9.3 bilyon ang US exports sa Pilipinas habang $14.2 bilyon naman ang imports mula sa Pilipinas—na may kabuuang $4.9 billion trade deficit pabor sa bansa.
Samantala, ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang nagsabing ang US ang nangungunang export destination ng Pilipinas noong 2024, na kumakatawan sa 16.6% o $12.14B ng kabuuang $73.27 billion export receipts ng bansa. RNT/JGC