MANILA, Philippines – Umabot na sa 971 ang bilang ng mga naaresto dahil sa paglabag sa election gun ban, sinabi ng Philippine National Police (PNP).
Sa pahayag nitong Lunes, Pebrero 17, sinabi ng PNP na pinakamarami ang naarestong lumabag sa gun ban sa Metro Manila sa 290, sinundan ng
Central Luzon sa 149 at Central Visayas sa 128.
Kabilang sa mga naarestong suspek ay ang limang PNP personnel, walong Armed Forces of the Philippines personnel, limang tauhan mula sa iba pang law enforcement agencies, dalawang elected government officials, dalawang appointed government officials, isang CAFGU Active Auxiliary, isang bata na in conflict with the law, 22 security guards, at 921 sibilyan.
Narekober sa mga ito ang 962 armas na kinabibilangan ng 376 revolvers, 292 pistols, 40 gun replicas, 24 explosives, 23 Class A guns, siyam na rifles, pitong shotguns, tatlong Class B guns, at 188 iba pa.
Batay sa Comelec Resolution No. 11067, ang gun ban ay epektibo mula Enero 12 hanggang Hunyo 11.
Samantala, iniulat din ng PNP na naberipika nila ang isang election-related incident ng karahasan sa Western Visayas.
Mayroon ding dalawang suspected election-related incidents ng karahasan sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ang mga insidenteng ito ay biniberipika pa. RNT/JGC