MANILA, Philippines – Magbibigay ang Australia ng karagdagang P413 milyong halaga ng advanced drone technology at pagsasanay sa mga operator para sa Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon sa Australian Embassy, bahagi ito ng apat na taong programa na magpapalakas sa kakayahan ng PCG sa maritime surveillance at seguridad. Kabilang sa tulong ang long-range at heavy-lift drones, underwater capabilities, counter-drone technology, at espesyal na pagsasanay.
Sinabi ni Australian Foreign Minister Penny Wong na makikinabang dito hindi lamang ang PCG kundi pati ang mga Pilipinong umaasa sa ligtas at bukas na karagatan para sa kanilang kabuhayan at kalakalan.
Sa bagong tulong, aabot na sa P578 milyon ang kabuuang drone assistance ng Australia sa PCG mula pa noong Abril 2025, kabilang ang naunang 35 drones at training.
Inanunsyo rin ng Australia ang P678 milyong apat na taong civil maritime assistance program bilang bahagi ng pagpapalalim ng strategic partnership ng dalawang bansa sa pagdiriwang ng ika-80 anibersaryo ng kanilang diplomatikong relasyon. RNT/MDS