Home OPINION AYUDA BAWAL NA

AYUDA BAWAL NA

TAHASANG sinabi ni Commission on Elections Chairman George Garcia na bawal na ang magbigay ng anomang ayuda mula sa gobyerno mula sa Mayo 2 o darating na Biyernes hanggang Mayo 12 o mismong araw ng halalang 2025.

Iniisa-isa ni Chairman Garcia ang mga ayuda na Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD), Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) at ang kontrobersyal na Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP).

Tanging ang mga ayuda sa mga maysakit, pagpapalibing at pagbebenta ng bigas na P20 kada kilo ang hindi bawal.

Kung titingnan, maganda naman ang patakarang inihabol ng Comelec at masabi nating “better late than never.”

Dahil naman sa anunsyo, tiyak na magkakandahumahog sa pamimigay, lalo na ang mga nasa administrasyon na pangunahing namimigay ng mga ayudang nabanggit sa loob ng ilang araw bago sumapit ang deadline na tiyak na magsisimula sa alas-12:00 ng gabi sa Mayo 11 dahil Mayo 12 na ang ika-12:01 ng gabi.

Nauna rito, ipinagbawal ang pagdalo ng mga politiko, nakaupo man o hindi ngunit kumakandidato, na dumalo o sumali sa pamimigay ng mga ayudang ito.

ANG IBANG AYUDA AT IBANG PAMAMARAAN

Sa gitna ng pagbabawal, hindi kaya kayang-kayang palusutan ang mga ito?

Hindi naman kasi malinaw kung hanggang saang antas ng kamag-anakan o lider ng mga politiko ang bawal na dumalo o sumali o mamigay ng nasabing mga ayuda, lalo na sa sitwasyong aktuwal ang pamimigay at hindi sa pamamagitan ng bangko.

Halimbawa, bawal ba ang mga asawa, kapatid, pinsan, bayaw at iba pang mga kamag-anak ng mga politiko na maaaring nakaempleyo sa gobyerno o sikat sa mga komunidad na suporter nila na dumalo o sumali at mamigay?

Ang mga kilalang personalidad na hindi kamag-anak ngunit endorser ng mga politiko gaya ng mga vlogger, artista, abogado at iba pa, bawal ba?

Hindi rin ba saklaw ng pagbabawal ang mga claim o anunsyo ng mga kongresman, senador, Pangulo at iba pang mga politiko na sila ang may-akda ng lahat ng mga batas sa lumikha ng nasabing mga ayuda sa media, social media at kampanya?

Tutal, hindi naman nila pera o galing sa kanilang bulsa o pag-aari ang mga laman ng nasabing mga ayuda.

Isa pa, dahil hindi bawal ang ayuda sa maysakit o namatayan o pagbebenta ng P20 na bigas, hindi rin ba bawal ang mga politiko at kanilang mga kamag-anak o endorser na sumali sa pamimigay, pagbebenta at dumalo sa mga ito?

Paano rin ang mga job fair na pupwedeng isagawa kahit panahon ng halalan…bawal din ba ang mga politiko sa pag-eendorso ng mga aplikante sa trabaho o kaya’y pag-imbita sa mga kompanya na sumali rito?

PITIK LANG

Sa deklarasyong pagbabawal, mga Bro, tila sumasang-ayon ang Comelec sa paniniwalang ginagamit ang lahat ng mga bawal ngayong ayuda para sa pulitika noon pa man, kabilang na ang AKAP.

Isa pa, bakit sa 10 huling araw lang ipagbabawal?

Ano sa palagay ninyo?