
WALANG dapat magtaka kung bakit magbebenta ang National Food Authority ng murang bigas.
Laon na ang mga bigas na ‘yan na kung hindi ibebenta, tiyak na masisira o mabubulok lang.
Ang totoo, ito ang rason ng NFA nang punahin ito ng Commission on Audit kung bakit nagkandalugi-lugi ito ng P5 bilyon noong mga taong 2019 hanggang 2023.
Noong Enero 16-17, 2025, sinabi mismo ng Department of Agriculture na may 300,000 toneladang nalalaong bigas na kailangang ibenta dahil baka masira lang.
Laon nang maituturing ang bigas na anim na buwan o higit pa na nakaimbak matapos na magiling ito at kailangan nang hugasan ito ng ilang beses para maalis ang sangsang nito at makain.
Kaya mauulit na naman ang tiyak ng pagkalugi ng NFA kung hindi ito magbebenta ngunit kailangan ang deklarasyon ng rice emergency para magawa ito.
Kaya naman noong Pebrero 3, 2025, nagdeklara si Pangulong Bongbong Marcos ng rice emergency pero idinahilan ang sobra umanong mahal nang imported rice sa halagang naglaro sa P60 kada kilo.
Sa national emergency, mga brad, 150 tonelada ang pakakawalan ng NFA sa unang kalahati ng 2025 at isusunod ang 150 tonelada pagkatapos nito, ayon sa ulat ng United States Department of Agriculture Foreign Agricultural Service noong Pebrero 13, 2025.
Kaugnay nang pagbebenta ngayon ng NFA ng P20 kada kilo, tinanong ni Vice President Sara Duterte kung bakit ngayon lang na panahon ng halalan.
Sagot naman ni Undersecretary of the Presidential Communications Office Claire Castro na hindi dapat maging parang anay at istayl talangka si Duterte sa usapin.
Kung susuriin ang kasaysayan ng pagmumura at pagbebenta ng bigas ng NFA, klaro ang dahilan ng ahensya, laon na at malapit nang mabulok at pamahayan ng mga bukbok o mga insekto na natatagpuang gumagapang sa nabubulok ng bigas.
Tanong: Sino ang anay at sino ang bukbok?