Home NATIONWIDE Ayuda sa Mayon bakwits ‘wag ipagbawal sa nalalapit na eleksyon – solon

Ayuda sa Mayon bakwits ‘wag ipagbawal sa nalalapit na eleksyon – solon

MANILA, Philippines – TINIYAK ng Commission on Elections (COMELEC) na aaprubahan nito ang hiling ni Albay 2nd District Rep. Joey Sarte Salceda na hayaan at huwag ipagbawal ang pagbibigay ayuda sa mga bakwit ng patuloy na nag-aalburutong ng bulkang Mayon sa nalalapit na halalan ng Barangay at Sangguniang Kabataan sa Oktubre ngayong taon.

Ang naturang gawain ay ipinagbabawal ng batas sa panahon ng eleksiyon. Sa isang liham noong Hulyo 22, hiniling ni Salceda sa Comelec na ilibre sa pagbabawal ang pagbigay ayuda sa mga bakwit ng Mayon ng mga ahensiya ng pamahalaan gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) upang huwag namang matigil ang pagbibigay tulong sa mga bakwit. Si Salceda ay chairman ng House Ways and Means Committee.

Tiniyak naman ni COMELEC Chairman George Garcia kay Salceda na aaprubahan nila ang hiling niya sa pulong kamakailan ng House Committee on Electoral Reforms, kung saan panauhin ang opisyal ng Commission.

“Dahil sa tunay na makataong kadahilanan, tinitiyak kong aaprubahan namin ang gayong mga gawain, at maaaring humiling din ang iba ng ganun,” pahayag ni Garcia sa naturang pulong.

Ipinaliwanag ni Salceda na batay sa kanilang karanasan, ang karaniwang tagal ng pananatili ng mga bakwit sa evacuation centers ay umaabot sa 45 araw, 90 araw o 110 araw. Dahil sa pabago-bago umano ang babala ng napipintong matinding pagsabog ng bulkan, patuloy din dapat umano ang pagtulong sa mga bakwit hanggang humupa ang ngitngit ng bulkan o sumabog ito. Habang sila’y nasa ‘evacuation centers,’ kailangan nila ng ayudang pagkain, pagsasanay, ‘cash-for-work programs,’ at iba pang suportang pangkabuhayan dahil nawala nga sa kanila ang mga ito.

Niliwanag naman ni Garcia na sa loob ng panahong saklaw ng halalan kung kailan ipinagbabawal ang mga gawaing naturan, maaaring ipagpatuloy ang mga ito dahil nga sa mga makataong kadahilanan.”

Tiniyak din ni Garcia kay Salceda na aaprubahan agad ng COMELEC ang kanyang kahilingan.

Pinasalamatan ni Salceda si Garcia sa katiyakang ibinigay ng huli at sinabi niyang aasahan nila ito.

“Napakahalaga sa amin ang malinaw at opisyal na tugon ng Kumisyon. Susunod kami sa batas ngunit nais din naming mapapangalagaan ang aming mga kalalawigan. May kapangyarihan ang COMELEC na tulungan kaming matupad ang mga ito,” ani Salceda.

Nagsimulang mag-alburuto ang bulkang Mayon noong nakaraang Hunyo ngayon taon, na naging dahilan upang mapwersa ang mga pamahalaang lokal na ilipat ang mga mamamayan nilang nakatira sa mga permanenteng mapanganib na lugar sa paligid ng bulkan.

Pangunahin ang DSWD sa mga ahensiya ng pamahalaan na umaayuda sa mga 39,901 bakwit na kasalukuyang nakatira sa mga ‘evacuation centers’ sa paligid ng Mayon.

“Nananatili sa Alert Level 3 ang Mayon at maaaring sumabog ito anumang oras, kaya baka matagalan pa sa mga ‘evacuation centers’ ang mga bakwit. Walang nakakatiyak ngunit higit na mabuti ang maging ligtas at handa tayo dahil baka tumagal at lumampas pa ito sa panahon ng eleksiyon,” puna ni Salceda.

“Kapag sumabog ang Mayon, diretso nitong maaapektuhan ang mga 103,181 Albayanong nakatira sa tatlong lungsod at limang bayan sa paligid ng bulkan. Mga 7.5 porsiyento ito ng buong populasyon ng lalawigan,” ayon sa mambabatas.

“Makakaapekto ang matinding pagsabog ng bulkan hindi lamang sa mga pagkabuhayang gawain sa paligid nito, kasama ang agrikultura, ‘eco-tourism’ at iba pa, kundi sa buong masiglang ekonomiya ng Albay,” dagdag niya. RNT

Previous articleNatGas kapalit ng coal na energy source sa Pinas, lusot sa Kamara
Next articleP300-B lugi ng Pinas sa ‘ghost receipts’