Home OPINION  B.L.O.W.B.A.G.E.T.S. PARA SA ROAD SAFETY SERYOSOHIN  

 B.L.O.W.B.A.G.E.T.S. PARA SA ROAD SAFETY SERYOSOHIN  

210
0

NAPAKALAKING kaluwagan para sa mga Pilipino ang paglalaan ng oras at kaunting budget para masiguro ang kaligtasan  sa pagmamaneho ng sasakyan lalo na sa mga paparating na okasyon.

Kadalasang over-speeding, driver na lango sa alak, walang valid driver’s license, kawalan ng defensive driving training at iba pang pagsuway sa traffic rules ang mga pinag-uugatan ng aksidente.

Pero huwag din nating kalilimutan na maaaring may kontribusyon ang luma o bagong sasakyan man sa mga nangyayaring sakuna.

Halimbawa nito ang depektibong ilaw, exposed wirings, langis na tumatagas, kalbo o expired na gulong, depektibong battery, heavy tinted na windshield, sirang brake pad, kawalan ng langis, tumatagas na power steering fluid at iba pa.

Isa sa best practices ng pagmamaneho ang pagkakaroon ng pre-trip inspection na dapat gampanan ng bawat driver bago magmaneho. Maaaring gamiting basehan ang acronyms na B.L.O.W.B.A.G.E.T.S.

Obserbahan ang dashboard indicators para malaman ang kondisyon ng B-battery; Inspeksyunin ang L-lights, baka kasi pundido ang warning/hazard lights, turning, head, beam, tail o brake lights; O-oil, silipin ang kondisyon ng langis ng makina, kapag kulang o naiga ito, maaari itong makasira sa mekanismo ng engine kaya nga importante ang pagsunod sa regular na periodic maintenance schedule (PMS); W- water, tingnan ang level ng tubig o coolant ng radiator pati ang lalagyan ng reserba; B- brake, subukang apakan ang brake at testingin ang hand brake, mainam na nililinis ang brake pad at lining sa regular na PMS ng sasakyan; A- air, sundin ang minimum at maximum allowable working pressure ayon sa actual load at weather condition na nakabase sa car tire manual; G- gas, laging panatilihing naka-full tank lalo na sa malayuang biyahe at laging alalahanin kung diesel o engine type ang dalang sasakyan; E-engine, obserbahan ang engine kapag umaandar, sipatin hanggang ilalim kung may leak at pakinggan kung may kakaibang ingay; T- tire, alamin ang kundisyon ng gulong, tingnan kung pudpod na, dumaan sa vulcanizing shop kung may nakatusok na pako o turnilyo at siguraduhing nasa tamang kondisyon ang reserba; at S – self, kailangang disiplinado. Siguraduhing may dalang valid license ang driver, may sapat na pahinga at tulog, hindi lango sa alak at ipinagbabawal na gamot. Kung may iniinom na medicine, magpahinga muna ng ilang minuto bago magmaneho.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here