MANILA, Philippines – Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang paglalaan ng karagdagang P58 milyon sa badyet ng Teacher Education Council (TEC) na may mandatong iangat ang kalidad ng edukasyon at pagsasanay ng guro ng bansa.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na dalawampu’t walong milyong piso rito ang ilalaan sa pangangalap ng 28 karagdagang kawani na itatalaga sa ilalim ng TEC Secretariat.
Bagama’t inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ngayong taon ang paglikha sa naturang posisyon, wala pang nakalaang sa General Appropriations Bill sa Fiscal Year 2025 (House Bill No. 10800).
Tatlumpung milyong piso naman sa karagdagang pondo na ito ang ilalaan para sa Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) na sasaklawin ang research activities, konsultasyon, dayalogo, benchmarking, workshops, at validation activities.
Saklaw din ng MOOE ng TEC ang regular na pagpupulong kabilang ang regular na gastusin, operational expenses, at pagrerenta sa tanggapan ng TEC sa labas ng Department of Education (DepEd).
“Umaapela ako para sa karagdagang P58 milyong ito upang suportahan ang Teacher Education Council. Naniniwala akong malaki ang magiging epekto nito at isa itong agarang reporma na makakatulong sa ating mga guro, lalo na pagdating sa training, at sa paghahanap ng mga may potensyal na maging mahusay na guro. Maraming kapangyarihan ang Teacher Education Council upang iangat ang kakayahan ng ating mga guro,” ani Gatchalian, Chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
Si Gatchalian ang pangunahing may akda at sponsor ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713) na nagpatatag sa TEC.
Pinapaigting ng naturang batas ang ugnayan sa pagitan ng DepEd, Commission on Higher Education (CHED), at ang Professional Regulation Commission. Bahagi rin ng mga responsibilidad ng TEC ang pagbuo ng teacher education roadmap at pagtatalaga ng mga pamantayan para sa mga teacher education programs. Ernie Reyes