
SA kabila ng puspusang pagkolekta ng basura ng dalawang bagong kontraktor na humahakot ng basura sa Lungsod ng Maynila, hindi pa rin nila masagad ang kalinisan sa siyudad dahil na rin sa walang disiplinang pagtatambak ng wala sa oras ng maraming pasaway.
Ang problema kasi, hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapatupad ang mahigpit na implementasyon ng umiiral na batas kaugnay sa Ecological Solid Waste Management Act of 2000 o ang R.A. 9003.
Sa ilalim ng naturang batas, kinakailangang pagbukud-bukurin ang mga nabubulok at hindi nabubulok na basura na pwede pang i-recycle at maging kapaki-pakinabang, pati na rin ang tamang pagtatapon at pagkolekta ng basura.
Tumatalima lang ang mga residente sa batas kapag nagsagawa ng maigting na kampanya at implementasyon ang lokal at nasyonal na pamahalaan pero kapag lumamig na, tulad nang hindi maalis-alis na ugaling Pinoy, balik muli ang nakararami sa maling kostumbre – ugaling ningas-kugon.
Hindi naman dapat lahat ay isisi sa publiko at mga residente ang pagkaipon ng basura sa mga pangunahing lansangan dahil hindi tulad ng dating contractor na naghahakot ng basura, may mga maliliit silang compactor na pumasok sa maliliit na eskinita o lansangan sa buong Maynila para hindi na inilalabas ng mga residente sa malaking lansangan ang kanilang basura.
Ang compactor kasi ay isang uri ng trak ng basura na mayroon ang dating contractor na Leonel Waste Management na may kakayahang humakot ng maraming basura at isiksik sa kanilang compactor truck kaya isang pasada lang sa maliliit na kalsada ay ubos ang basura ng mga residente.
Sa ngayon, ang ginagawa ng mga residente sa District 1, 2 at 3, inilalabas nila sa madaling araw ang kanilang mga basura sa mga pangunahing lansangan kung saan dumaraan ang malalaking trak ng MetroWaste na nagseserbisyo sa naturang mga distrito dahil wala silang maliit na compactor na pumapasok sa kanilang mga lansangan.
Sa Maynila, mas maraming mga naninirahan sa mga maliliit na eskinita, sa tertiary at secondary roads na tanging maliliit na sasakyan lang ang nakapapasok.
Bago nga pala nakuha ng MetroWaste ang kontrata sa paghahakot ng basura sa District 1,2 at 3 sa Maynila, sila ang kontratistang humahakot ng basura sa Malabon City na laging nairereklamo dahil sa umano’y maraming paglabag, kabilang ang hindi nakokolektang basura at ang hindi wastong paggamit ng transfer station.
Dahil dito, tinapos ni Mayor Jeannie Sandoval ang kontrata nila sa MetroWaste noong nakaraan lang taon pero bwenas din naman ang kompanya dahil nakuha nila ang kontrata sa pangongolekta ng basura sa tatlong malalaking distrito sa Maynila.
Ang pagkakaiba nga lang, hindi na talaga lumahok sa bidding ang Leonel at ikinaila rin ang akusasyon sa kanila ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila na inabandona nila ang pangongolekta ng basura kaya naipon ng husto at namaho ang maraming lugar sa lungsod.
Gayunman, pareho naman sila ng akusasyon ng MetroWaste na hindi raw sila nababayaran ng wasto at may utang sa kanila ang lokal na pamahalaan.
Abangan na lang natin sa mga susunod na linggo o buwan kung kayang gampanan ng MetroWaste ang tulad na ginagawa noon ng Leonel na pinapasok ang maliliit na lansangan para makolekta ang mga basura.
Maaring magpadala ng inyong puna at reklamo sa aking email address na [email protected] o pwede rin magpadala ng mensahe sa 0995-1048357.