Home OPINION UNIFIED PWD ID NAKATAKDANG ISAILALIM SA PILOT TESTING

UNIFIED PWD ID NAKATAKDANG ISAILALIM SA PILOT TESTING

Maraming may-ari ng res­taurant at botika ang nagrereklamo kung bakit napakaraming taong mayroon Person with Dissability (PWD) ID) na kinakaila­ngang nilang bigyan ng 20% at net vat. Malaking lugi para sa negosyante at sa Bureau of Internal Revenue.

Napagpasyahan ng pa­munuan ng National Council on Disability Affairs (NCDA) na nasa ila­lim ng Department of Social Welfare and De­velopment (DSWD) na maglabas ng isang unified identification para sa mga nakatalang person with disabilities (PWDs) na nakatakdang isailalim sa pilot testing mula Ja­nuary 2025 hanggang June 2025 at pormal na ilulunsad sa darating na July 2025.

Ang pag-isyu ng iisang klase ng ID ay isa sa mga inirekomendang hakbang upang matugunan ang talamak na iligal na paglobo, pagbebenta, at paggamit ng pekeng PWD IDs.

Ayon kay NCDA Executive Director Glenda Relova, sa ngayon ay inaayos lamang nila ang terms of reference at ang pamamaraan ng pagkakaloob ng ID.

Nagdesisyon umano ang NCDA governing board sa pangunguna ng DSWD na tugunan ang pang-aabuso sa pagkuha ng mga diskuwento at pribilehiyong itinatakda ng Republic Act No. 10754 o ang “An Act Expanding the Be­nefits and Privileges of PWDs.”

Ang pagbuo ng unified ID system ay pagtutulungan ng DSWD, NCDA, at mga local government unit (LGU) sa pa­mamagitan ng kani-kanilang PWD Affairs Offices o PDAO.

Paliwanag ng NCDA, ang aplikasyon, beripikasyon at proseso ng pag-apruba ay mananatiling nasa PDAO habang ang DSWD ang magiging awtoridad na mag-isyu ng ID.

Magkakaroon ng kapwa pisikal na ID at digital ID na may biometric data ng PWD upang maiwasan ang pandaraya.

Sinabi ni Senator Sherwin Gatchalian na mayroong naglipanang 8.5 million na PWD ID sa buong bansa kung saan nasa 1.8 million lamang ang lehitimo.

Nagdulot din ito ng pagkawala ng halagang Php 88.2 billion sa pamahalaan sa pamamagitan ng tax exemption noong 2023.