Home OPINION BAGONG HENERASYON, BAGONG PAG-ASA SA LIDERATO

BAGONG HENERASYON, BAGONG PAG-ASA SA LIDERATO

218
0

KAMAKAILAN ay nagdiwang ng kanyang ika-60 kaarawan si Sen. Risa Hontiveros, Senate Deputy Majority Leader, sa ginanap na pagtitipon sa UP Bahay ng Alumni sa Diliman, Quezon City. Ang okasyon ay dinaluhan ng iba’t ibang personalidad mula sa sektor ng pulitika, civil society, at mga tagasuporta ng senadora mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Kabilang sa mga dumalo ang ilang kinatawan ng mga volunteer at support groups mula sa Timog Katagalugan. Ang may-akda, na nagsisilbing political officer sa lalawigan ng Cavite at regional organizer para sa mga rehiyon ng CaLaBaRZon at MiMaRoPa, ay kabilang sa mga naanyayahang makibahagi sa naturang selebrasyon.

Sa gitna ng pagtitipon, kapansin-pansin ang isang grupo ng mga kabataan mula sa hanay ng millennials at Gen Z na magkakatabing nakaupo sa ilang mesa. Nakasuot ang mga ito ng magkakaparehong damit na may larawan ni Hontiveros. Nang makapanayam, ipinakilala nila ang kanilang sarili bilang mga youth leader ng iba’t ibang support organizations para sa senadora.

Ayon sa kanila, kinakatawan nila ang ilang volunteer groups tulad ng Solid Risa Hontiveros Supporters, Risa Hontiveros Movement Region 4A at 4B, at Alternatiba at Reporma. Ang mga nasabing grupo ay may mga aktibong balangay sa mga lalawigan ng Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, at Quezon sa Calabarzon, gayundin sa Mindoro, Marinduque, Romblon, at Palawan sa Mimaropa.

Ayon kay Arlene, isa sa mga youth leader na nakausap sa okasyon, hindi lamang pakikibahagi sa selebrasyon ang layunin ng kanilang pagdalo.

“Kaya kami narito sa birthday ni Senator Risa ay hindi lamang para makisaya kundi upang ipakita ang aming suporta. Nais naming makakita ng tunay na pagbabago sa hinaharap dahil sawa na ang maraming kabataan sa paulit-ulit na mga apelyido sa politika at sa mga pangakong hindi natutupad,” ani Arlene.

Samantala, binigyang-diin naman ni Richard, isa ring kabataang lider, ang pananaw ng kanilang grupo hinggil sa hinaharap ng pambansang pamumuno.

“Para sa amin, ang halalan sa 2028 ay hindi lamang isa na namang eleksyon. Nakikita namin ito bilang pagkakataon para sa isang bagong uri ng liderato—hindi lang bata o bagong mukha, kundi isang lider na may malinaw na paninindigan, may track record, at hindi hawak ng mga dinastiya o oligarko,” paliwanag niya.

Dagdag pa ni Arlene, nakikita nila kay Hontiveros ang isang alternatibong lider na may kakayahang magsulong ng mga reporma para sa bansa. Aniya, kabilang sa mga dahilan ng kanilang suporta ang matibay na tindig ng senadora sa mga isyu ng pambansang soberanya, kabilang ang usapin sa West Philippine Sea.

“Naniniwala kami na may dala siyang transformative reform agenda at malinaw na paninindigan sa mga mahahalagang isyu ng bansa,” aniya.

Ayon pa sa mga kabataang lider, hindi umano nakabatay sa personalidad ang kanilang suporta kundi sa uri ng pamumunong nais nilang makita sa hinaharap.

Sa kabila ng pagiging maaga pa para sa mga usaping may kaugnayan sa halalan sa 2028, sinabi ng mga miyembro ng grupong Alternatiba at Reporma na patuloy silang magsusulong ng grassroots organizing upang palawakin ang kanilang hanay sa iba’t ibang rehiyon ng bansa.

Ang Alternatiba at Reporma 2028, ayon sa kanila, ay isang volunteer-driven movement na naglalayong magtaguyod ng alternatibong liderato at mga repormang nakatuon sa mas makatarungan, mapayapa, at maunlad na kinabukasan para sa Pilipinas.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here