Home OPINION BAGONG MUKHA NG PANGGIGIPIT, UTOS NI BBM SA LTO?

BAGONG MUKHA NG PANGGIGIPIT, UTOS NI BBM SA LTO?

269
0

SA isang bansa kung saan ang karapatan sa malayang pagpapahayag ay nakapaloob mismo sa Saligang Batas, nakakabinging tanong ang sumisigaw ngayon mula sa hanay ng mga manggagawa at abogado: Direktiba ba ng administrasyon ang pag-impound ng mga sasakyang dadalo sa mapayapang protesta laban sa korapsyon?

Ito ang sigaw ng Lawyers for Commuters Safety and Protection matapos ang hindi kapani-paniwalang pangyayari noong Nobyembre 30, 2025. Alas-nuebe ng umaga, limang jeep at isang van ng NOBLUDA o Novaliches-Blumentritt Drivers Association—kasapi ng PISTON—ang biglaang hinuli at in-impound ng mga National Capital Region Land Transportation Office enforcers. Ang mga sasakyang ito ay hindi naglipana sa kalsada na parang peligro; ang mga ito ay papunta sa Luneta para makilahok sa isang mapayapang rally kontra katiwalian.

Resulta? Mahigit isang daang manggagawa ang pinababa sa gitna ng daan at pinilit maglakad papuntang Luneta. Para bang kriminal ang turing sa kanila. Para bang ang pagsama sa rally ay isang kasalanang dapat pagbayaran.

At ano raw ang basehan ng pag-impound? “No seat belt.” “Defective hand brake.” “No special permit.” Reverse light. Kung ano-anong nakalista—pero ang tunay na intensyon, malinaw sa kahit sinong may matinong pag-iisip: panggigipit.

Dapat, magtanong na ang bayan, “Kailan pa naging batas sa Pilipinas na ang mga sasakyang sasama sa rally at kailangang kumuha ng special permit?

Wala. Hindi ito umiiral. At lalong hindi ito reasonable limitation sa karapatang magpahayag. Ang ginawa ay hindi peace and order. Hindi enforcement. Harassment. Garapalan!

Kung ang LTO ay naging instrumento para harangin ang mismong galaw ng protesta, malinaw na pinagkakaitan nila ang mamamayan hindi lamang ng mobility kundi ng kalayaan.

Ito ba ay personal na trip ng mga enforcer? O ito ba ay may basbas mula sa taas?
Kaya may karapatan ang taumbayan na itanong: “Asec Marcus Lacanilao, ito ba’y direktiba mula sa Pangulo? O sipsip lamang ng iyong mga tauhan na gustong magpasikat habang tinatapak-tapakan ang karapatan ng mga ordinaryong manggagawa?”

Anoman ang sagot, isa lang ang malinaw, kung ang paglahok sa rally ay haharangin sa pamamagitan ng impounding, hindi batas ang umiiral—Kundi pagpapatahimik sa mga bumabatikos sa pamahalaan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here