NOONG Oktubre 15, nanumpa ang mga halal na opisyales at mga direktor ng National Capital Region Police Office Press Association sa bagong talagang regional director ng Metro Manila na si PMGen Sidney S. Hernia.
Matapos ang panunumpa at pagpapakilala kay Hernia, nagbigay ito ng pananalita kung saan masisinag mo sa kanyang pagkatao ang pagkakaroon ng mabuting pag-uugali at kababaang loob.
Nang ipakilala siya ng inyong Pakurot, na-highlight ang kanyang maayos na pamumuno noon sa Anti-Cybercrime Group kung saan ang nasabing tanggapan ang kauna-unahang nagsagawa ng mga raid sa mga establisimyento na pinamumugaran ng iligal na Philippine Offshore Gaming Operator o POGO sa Pampanga at Metro Manila. Pawang matagumpay ang isinagawang mga operasyon.
Gayunman, hindi sinolo ni Hernia ang karangalan sa matagumpay na operasyon ng ACG subalit kinilala niya ang kanyang mga opisyal at mga tauhan na ayon sa kanya ay “malaki ang partisipasyon”.
Sinabi pa ng bagong RD na hindi magiging maganda ang resulta ng operasyon kung hind isa matiyagang pagtratrabaho ng kanyang mga tauhan at ang magandang pakikipagtulungan ng lokal na pamahalaan.
O, di ba kahanga-hanga ang ugali ng opisyal na ibinabahagi ang tagumpay sa kanyang mga tauhan at sa ibang grupo. Kung iba-iba lang itong matalinong alumnus ng Philippine Military Academy class ’92 o “Tanglaw Diwa” Class.
Sabagay, ang kanyang sinundan na mistah niya sa PMA na si PLtCol Jose Melencio C. Nartatez ay tulad din ni Hernia na madisiplina kaya naman maayos ang pamalakad sa kanyang nasasakupan.
Iginiit ni Hernia na layon niyang ituloy ang magagandang program ani Nartatez subalit hiniling niya sa mga mamamahayag na kapag ang balita ay hilaw pa, hindi muna dapat ito ilabas upang hindi mabulilyaso ang operasyon.
Gayunman, sinabi rin nito na kailangang maging balanse ang mga miyembro ng media sa paglalabas ng balita at hindi naman kailangan na puro “papogi” ang isulat subalit dapat ay ilabas din ang pagkakamali ng mga pulis.
Sa kanyang pagsasalita sa harap ng mga mamamahayag, nangako ang NCRPO director na gagawin niyang mas ligtas na tirahan ang Metro Manila dahil dito rin namumuhay ang kanyang pamilya.
Kung ganoon, samahan natin ang bagong RD ng NCRPO na si PMGen Hernia sa kanyang layunin na maging mas maayos at mapayapa ang NCR.