Home OPINION BAGONG ‘POWER COUPLE’ SA PALASYO?

BAGONG ‘POWER COUPLE’ SA PALASYO?

MAY bagong ’power couple’ na raw pala sa Palasyo pero tila hindi sina Pangulong Bongbong Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos.

Ating napag-alaman na ang tirador ng projects sa Mindanao at mismong sa Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao ay isang babae sa buhay ng isang opisyal na matagal nang kasal sa isang showbiz royalty.

Ang abogadang ito diumano ang gumagamit sa pangalan ng opisyal na taga-Palasyo para makakuha ng ‘advances’ sa contractors kapalit ang milyong halaga ng mga kontrata.

Ang masakit dito kahit si FL ay tila lumalabas walang power o impluwensya sa mga tauhan ng opisyal dahil ito ay nasa ‘inner circle’ ng Pangulo.

Nahihinaan naman ako sa mga tunay na nagmamalasakit kay PBBM, dahil nagagawang mamayagpag ng ilan sa pamahalaan at nakagagawa ng mga ganitong kawalanghiyaan sa bansa pero bakit walang makapigil?

Dahil ba kaibigan, dahil ba kaalyado? Hay buhay!

Kapag ganito ang siste ‘wag na tayong magtaka na madawit ang pangalan ng Pangulo sa korapsyon sa madaling panahon, ‘wag naman!

Hello General Marbil!

Nasaan kaya iyong bilin ni PNP chief PGen. Rommel Marbil na maging magalang ang pulis lalo sa checkpoints?

Isang motorista kasi ang sinita nitong si PSSg Tripon ng PCP-4 Valenzuela police at sa halip na parahin nang maayos ay sinigawan ito ng ’Hoy! Hoy!

Nakapanghihinayang lang na mahaluan ng isang bastos na naturingang alaga ng batas ang kabuuan ng Valenzuela PNP.

Ano kaya ang masasabi ni PCol. Nixon Cagayan, ang hepe ng pulisya sa lungsod?

Navotas balik dating work hours

Dahil nasanay na talaga ang publiko sa oras na eto sa mga pampublikong opisina kasama ang Navotas City hall ay tuluyan nang ibinalik ito mula sa 7a.m.-4p.m.

Sa isang executive order, sinabi ni Mayor John Rey Tiangco na nakasanayan na talaga ng publiko ang mag-transact sa city hall sa dating oras kaya marapat na ibalik.
Dahil na rin sa suhestyon ng Metro Manila Development Authority nitong nakaraang taon, binago ng city hall ang office hours dahil sa lumalalang problema sa trapiko sa Kalakhang Maynila.

Pero ngayon binalik na uli ng pamahalaang lokal ang dating nakasanayang office hours para maiwasan na rin ang kalituhan sa publiko.