
BAGONG hamon sa kakayahan ng kolumnista ng Remate na si Atty. Ariel Inton ang regalo sa kanya ngayong 2025 matapos siyang itinalaga bilang head ng Legal Department at Legal Corporate Affairs ng Public Estate Authority Tollways Corp.
Si Inton, sumusulat sa pahayagang ito ng kanyang kolum na Sibol, ay naitalaga noong Enero 9 taong kasalukuyan sa kasagsagan ng Pista ng Quiapo. Napakagandang biyaya ng Panginoon para sa ating mahusay na kolumnista.
At dahil itinalaga siya bilang pinuno ng Legal Department and Legal Corporate Affairs ng PEATC, may kapangyarihan siyang pumasok sa mga transaksyon at pumirma, magsagawa, maghain at maghatid ng anomang mga dokumento o instrumento na may kaugnayan sa lahat ng legal na alalahanin para at sa ngalan ng OIC-President.
Ang PEATC ay isang korporasyong pag-aari at kontrolado ng gobyerno na nangangasiwa sa operasyon, pagpapanatili, at pagkolekta ng toll ng Manila-Cavite Expressway (Cavitex).
Bukod sa pagiging head ng Legal Department at Corporate Affairs, si Inton ay special assistant to the President ng PEATC na si PEATC OIC Dioscoro Esteban Jr.
Dahil sa mga payong ligal ni Inton sa PEATC nagtagumpay ang PEATC sa mga usapin kaugnay sa pagkontrol sa pamamahala at pagkolekta ng mga bayarin sa Cavitex.
Bago pa man nahirang at sumapi sa PEATC, si Inton ay nagbibigay ng mga komento at payo kaugnay sa ilang usapin na kinasasangkutan ng mga pasahero sapagkat siya ang nagtatag at presidente ng Lawyers for Commuters Safety and Protection. Ang grupo ng LCSP ay tumutulong sa mga Pilipinong nangangailangan ng libreng legal na tulong sa mga isyu tungkol sa sektor ng transportasyon.
Nagsilbi rin si Inton bilang Quezon City Councilor sa loob ng tatlong termino. Dati rin siyang miyembro ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board.
Hangad natin ang maayos na takbo ng career ng ating SIBOL sa lahat ng pagkakataon.
Mabuhay ka Atty. Inton, champion sa usapin ng transportasyon.