Home OPINION BAHA NG BASURA, BAHA NG KULANG SA DISIPLINA

BAHA NG BASURA, BAHA NG KULANG SA DISIPLINA

1
0

AMINADO si Manila Department of Environment and Public Service Director Kenneth Amurao na hindi tuluyang mawawala ang pagbaha sa malaking bahagi ng Maynila bunga ng kawalan pa rin ng disiplina ng mamamayan sa pagtatapon ng basura.

Sa panayam grupo ng Manila City Hall Press Club kay Amurao, sinabi nito na sa unang termino ni Yorme Isko bilang alkalde noong taong 2019, may inilatag na siyang Waste Segregation Program na paulit-ulit na ipinababatid sa mamamayan ng lungsod nang sa gayon ay mabawasan ang mga basurang nakokolekta sa lungsod.

Kaya lang, aniya, kapag dumaan na ang trak ng basura, halo-halo na ang itinatapon ng mga residente kaya’t nawawalan ng saysay ang programang ipinaiiral ng lokal na pamahalaan.

Bukod dito, tuloy pa rin aniya ang pagtatapon ng mga pasaway sa mga daluyan ng tubig kaya’t kapag binungkal nila ang mga manhole, isang tambak na basura pa rin ang kanilang nakukuha.

Sinabi ni Amurao na hindi naman aniya nila kayang bungkalin ang buong drainage system kundi yun lamang mga open manhole kaya’t may mga naiiwan pa rin sa sistema na nagpapaliit ng dinadaluyan ng tubig na dahilan para mapuno at umapaw ang mga imburnal.

Sa kabila nito, iginiit pa ng director na tinuruan sila ni Yorme na huwag magsawa sa paglilinis at pagbubungkal ng mga imburnal at hindi niya nalilimutan ang paalala ng alkalde sa mamamayan na ”Magkakakulani kayo sa pagtatapon ng basura pero hindi kami titigil maglinis,”

Dismayado rin si Amurao sa tila hindi pakikiisa ng ilang mga Punong Barangay sa kampanya ng lokal na pamahalaan dahil hindi man lang nila magawang sawayin ang kanilang mga constituents.

Problema kasi ang hangganan ng mga barangay dahil halos magkakadikit lang ang boundary kaya’t nagtuturuan ang mga Kabesa kung sino sa kanilang constituents ang nagtatapon ng basura sa mga kanal, ilog, at imburnal.

Idinagdag ni Amurao na wala naman sa ilalim ng kanilang kapangyarihan ang pagkastigo sa mga opisyal ng barangay na hindi nakikiisa sa Waste Segregation Program dahil nasa ilalim ng Barangay Bureau ang pagdisiplina sa kanila.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here