ALAM kaya ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso na sa loob mismo ng Manila City Hall ay may nagaganap na tahimik pero maruming digmaan? Hindi ito laban ng oposisyon, hindi rin intriga ng taga-labas. Ito ay bangayan ng kanyang sariling mga tao. Hepe ng mga tanggapan laban sa mga tauhan na imbes na magkaisa sa serbisyo ay nag-uunahan sa pagyayabang ng “malakas na kapit” kay Yorme.
Isang departamento, pero ang hepe ay hindi sinusunod. Bakit? Dahil may mga tauhan na ang tingin sa sarili ay kalevel ng boss, sapagkat may kaanak daw silang “malapit sa kusina.” Ang masaklap, hindi ito iisang kaso. Sa ilang tanggapan sa City Hall, lantaran ang bangayan ng hepe at ng mga supervisor na kontra-pelo. Bawat isa may baong pangalan, may ipinagmamalaking kamag-anak na umano’y dikit na dikit sa alkalde.
Hindi na ito tsismis. Kitang-kita ito kahit sa mga okasyong dapat sana’y simbolo ng pagkakaisa. Sa halip na iisang Christmas party, nagkahiwa-hiwalay pa dahil may party ang hepe, may hiwalay ang mga tauhang nag-aakalang mas malakas ang kanilang kapit kay Yorme. Anong klaseng pamahalaan ang ganyan? Anong mensahe ang ipinapadala nito sa mga kawani at, higit sa lahat, sa mamamayan ng Maynila?
Habang abala ang mga ito sa pataasan ng ere, nakalimutan nila ang pinakamahalagang bagay na kapag pumalpak ang trabaho, hindi lang sila ang mapapahiya. Ang unang tatamaan ay ang pangalan at pamumuno ni Mayor Isko Moreno. Sa mata ng publiko, hindi iyan away ng magkakatrabaho subalit iyan ay repleksiyon ng liderato sa itaas.
Ano ba ang mapapala ng kayabangan at pasiklaban ng impluwensiya? Akala ba nila’y mapapansin sila ng alkalde dahil sa pagsuway sa hepe? Huwag tayong maglokohan. Sa huli, mandato at pananagutan ng hepe ang bibigyang bigat, hindi ang yabang ng tauhang nagmamarunong.
Pero malinaw din na hindi dapat palampasin ito. Ngayon pa lang, dapat nang kumilos si Yorme. Ang ganitong kultura ng “may kapit ako” ay lason sa anomang organisasyon. Kapag pinabayaan, lalala; at kapag lumala, si Yorme ang masisira at hindi ang mga tauhang ungas na pansarili lang ang iniisip.
Panahon na para sa matitinding salita at malinaw na leksyon. Linawin kung sino ang namumuno at sino ang sumusunod. Putulin ang ilusyon ng kapangyarihan ng mga umaasa lang sa apelyido. Dahil kung hindi ito maaagapan, hindi lang disiplina ang mawawala subalit higit ang tiwala ng mga Manileño.






