ISANG mapanganib na pangyayari para sa malayang pamamahayag ang naganap kamakailan matapos arestuhin ang beteranong reporter ng DZRH na si Boy Misael Gonzales ng mga tauhan ng Manila Police District sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Manila Regional Trial Court kaugnay ng kasong paglabag umano sa Data Privacy Act of 2012.
Ang reklamo ay inihain ni Rosalino “Jun” Ibay, isang dating pulis ng MPD na ngayon ay konsehal ng lungsod ng Maynila. Kapansin-pansin na ang naturang opisyal ay nahaharap din sa kasong acts of lasciviousness na isinampa ng National Bureau of Investigation sa isang hukuman sa lungsod.
Sa unang tingin, tila isa lamang itong ordinaryong proseso ng batas. Ngunit kung susuriin nang mas malalim, may mas mabigat itong implikasyon—lalo na sa kalayaan ng midya at sa karapatan ng mga mamamahayag na maglahad ng impormasyon para sa kapakanan ng publiko.
Ang pangunahing tungkulin ng mamamahayag ay ihayag ang katotohanan, lalo na kung ang sangkot ay mga taong nasa kapangyarihan. Kaya naman kapag ang isang opisyal ng pamahalaan na may kinahaharap na seryosong paratang ay gumagamit ng batas upang habulin ang isang reporter, hindi maiiwasang magtanong ang publiko: ito ba ay paghahanap ng hustisya o pagtatangkang patahimikin ang kritikal na tinig?
Sa katunayan, unang ibinasura ng piskalya ang reklamong paglabag sa Data Privacy Act laban kay Gonzales. Subalit nagsampa umano ng mosyon ang kampo ni Ibay na kalaunan ay pinanigan. Ang problema, hindi nabigyan ng kopya ng resolusyon ang mamamahayag kaya’t nagulat na lamang ito nang lumabas ang warrant of arrest.
Pero higit na nakapagtataka: anong paglabag sa Data Privacy Act ang sinasabi ng konsehal? Ang tanging binanggit umano ay ang kanyang address. Ngunit bilang isang halal na opisyal na nagsisilbi sa publiko, hindi ba’t nararapat lamang na alam ng taumbayan kung sino at saan matatagpuan ang kanilang lingkod-bayan?
Sa halip na maging sensitibo o mapaghiganti, marahil ay dapat maging mas mahinahon si Konsehal Ibay. Sa kanyang ginawang paghahabol sa isang mamamahayag, tila sa kanya mismo tatalbog ang kanyang pagmamagaling. Ang nais sanang maging ganting hakbang laban sa reporter ay lalo pang naglantad sa usaping nais niyang ikubli.
Ang Data Privacy Act of 2012 ay nilikha upang protektahan ang personal na impormasyon laban sa pang-aabuso. Ngunit kung gagamitin ito upang pigilan ang pagbubunyag ng mga usaping may malinaw na interes ang publiko, nagiging sandata ito laban sa transparency at accountability.
Sa huli, ang pag-aresto kay Gonzales ay hindi lamang usapin ng isang mamamahayag. Isa itong malinaw na babala sa buong media community. Kapag ang batas ay ginamit upang patahimikin ang midya, ang tunay na talo ay hindi lamang ang mga reporter kundi ang buong sambayanang Pilipino na may karapatang malaman ang katotohanan.






