Home METRO Basilan ASG-free na

Basilan ASG-free na

ILIGAN CITY- Idineklara ng militar na Abu Sayyaf Group (ASG) free na ang probinsya ng Basilan kasunod ng pagsuko ng natitirang apat na miyembro at apat nilang tagasunod, iniulat kahapon sa Barangay Guiong, Sumisip, Basilan.

Kinilala ni Brig. Gen. Alvin V. Luzon, commander ng 101st Infantry (Three Red Arrows) Brigade ang mga sumuko na sina Tawakkal Bayali, Abu Bayali, Julhari Bayali, Hasib Tualaran, Yusup Bayali, Marjan Bayali, Makrin Bayali, at Apong Upaman.

Bitbit nina Bayali ang limang matataas na armas kabilang ang M203 grenade launcher, 3- M16 rifles, caliber .30 Carbine rifle, at iba’t ibang uri ng mga bala para isuko sa militar.

“We are very thankful and welcome the surrender of the Tawakkal Bayali group. I laud their decision to lay down arms and finally join mainstream society.”Your surrender today is not only for you, your families, and your future but also the province of Basilan, paving the way for peace and development. Let us altogether declare that Basilan is now ASG-free,” ani Luzon.

Idinagdag ni Luzon na ang kanilang pagsuko ay ang “pinakamagandang regalo sa Pasko” sa mga mamamayan ng Basilan at isang malaking milestone tungo sa pangmatagalang kapayapaan at pag-unlad sa lalawigan.

Pinuri naman ni Luzon ang pagsisikap ng mga miyembro ng militar, Sumisip-PNP, at Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Basilan dahil sa matagumpay na pagsuko ng mga natitirang ASG.

Inihayag ni Sumisip Mayor Jul-Adnan Hataman na mahalaga ang kanilang pagsuko para sa layunin ng bayan na makamit ang pangmatagalang kapayapaan at magbubukas ng mga oportunidad para sa patuloy na pag-unlad.

Isinailalim naman sa isang social integration program ang mga sumuko na ngayon ay nasa kustodiya ng Sumisip Municipal Police Station. Mary Anne Sapico