Home OPINION BASTOS NA RIDER AT DRIVER, DAPAT NANG KALUSIN NG DOTr

BASTOS NA RIDER AT DRIVER, DAPAT NANG KALUSIN NG DOTr

NAKALULUNGKOT na halos araw-araw na lamang ay may kaso ng road crash. May ilang aksidente kung saan biktima ang ilan nating mga kababayang mananakay. Habang ang ilan ay nabangga ng sasakyan habang tumatawid sa nakalaang pedestrian lane. Nakupo, kalat na kalat na ang mga ganitong fact-checked na video na nakunan ng mga motorcycle vlogger at CCTV.

Paano kaya natin masisiguro ang ating kaligtasan lalong-lalo na ang mga vulnerable group tulad ng mga bata, matanda, buntis, persons with disabilities o PWD at may mga iniindang karamdaman?

Aba, ‘eh dapat lang na silipin na rin ito ng katatalagang transport secretary Vince Dizon. Ano sa palagay mo, Sir?

Sa personal nating obserbasyon, napakaluwag ng implementasyon ng ating traffic rules. Aba, mantakin mo bang ilang beses nang nakikipagpatintero ang ilang Metropolitan Manila Development Authority enforcers para hulihin ang mga pasaway na motorcycle riders sa EDSA! Gayundin ang ginagawa nila sa Highway Patrol Group officers na naka-deploy at nagbabantay sa MARILAQUE highway. Ganyan na ba talaga kabastos ang ilan nating mga kababayan? Ang ganitong kawalan ng disiplina ay epekto ng karuwagan sa kasalukuyang umiiral na mga batas.

Sa ating pananaw, makatutulong ang re-training hindi lang para sa mga motorcycle rider kundi sa lahat ng mga kumukuha ng driver’s license. Baka sa ganitong klase ng programa ay mabago ang attitude at magkaroon ng realization o reflection ang ating mga kababayang bumibiyahe.

Pero siyempre, kailangang seryoso ang mga ahensiya sa ilalim ng DOTr tulad ng Land Transportation Office at iba pang kaugnay na opisina sa pagsasakatuparan ng ganitong plano. Hindi maaaring iskul-bukol ang mangyari dahil mapupunta rin sa wala kung hindi maipatutupad ito ng maayos. Kung sabagay, napatunayan naman ni Sec. Dizon ang talim ng kaniyang pangil noong ipag-utos niya ang pagpapatanggal sa mga pasaway na LTO operatives sa Bohol kamakailan.

Mahalaga ding pag-usapan kung karapat-dapat bang maging kabilang sa mga solusyon ang pagsasaayos ng reasonable na multa at pagpapataw ng dagdag na mga parusa. Pero siyempre, dapat ding tutukan ang pagsasaayos ng ilang elementong nakatutulong sa traffic tulad ng traffic lights, signals, signs and markings. Kailangan din kasing updated, strategic, visible at clear ang mga ito.

Makaabot sana kay Sec. Dizon ang ilan nating suhestyon na makatutulong para sa kaligtasan ng lahat ng road user.