Manila, Philippines- Magsusulong ng isang panukalang batas ang Partylist group #29 Batang Quiapo sa pamamagitan ng microfinancing para sa vendors at microentrepreneurs sakaling makasungkit ng upuan sa Kongreso sa darating na May 12 mid-term elections.
Ayon kay Zofia Canlas, isa sa mga nominado ng Batang Quiapo Partylist, sesentro ang panukala sa anyo ng isang “LOAN PUHUNAN” na tiyak na makatutulong sa maliliit na nagnanais magnegosyo na kapos sa puhunan.
Batid ng Batang Quiapo Partylist ang hirap na pinagdaraanan para makapag-loan sa mga bangko dahil sa kakulangan ng mga collateral, credit history at iba pang financial records.
Batay sa isang survey ng OCTA Research nitong March 2025, 78 porsiyento o walo sa bawat 10 Pilipino ang nagnanais magkaroon ng sariling negosyo na hawak nila ang sariling oras at schedule.
Dahil dito, sinabi ni Canlas na ang pagnanais ng mas nakararaming Pilipino na magkaroon ng sariling negosyo ang nagsilbing inspirasyon sa Batang Quiapo Partylist upang magsulong na magkaroon ng batas na makatao hinggil sa microfinancing sa anyo ng “LOAN PUHUNAN.”
Sinabi pa ng Batang Quiapo na marapat na suportahan ng pamahalaan ang pagnanais ng mga Pilipino na magkaroon ng sariling negosyo sa pamamagitan ng microfinancing, na magbibigay ng maliit na pautang, savings at iba pang financial products para sa mga tinatawag na low-income individual na walang kakayahan sa tradisyunal na banking services.
Itinatag ang Batang Quiapo Partylist upang katawanin sa Kongreso ang mga Pilipino na naglalayon na kumita sa malinis na paraan upang mabigyan ng magandang buhay ang kanilang pamilya.
Bukod kay Canlas, nominado rin ang abogadong si Atty. Ruskin Prinsipe at si Vilma Macasaet Arce, isang beteranong external relations practitioner na anak din ng isang dating public market vendor.
Samantala, umangat sa ika-19 na puwesto ang Batang Quiapo Party-List sa pinakahuliong survey ng Tangere na nakakiuha ng 1.52% habang pasok din sa mga makakakuha ng upuan sa Kongreso ang Batang Quiapo sa survey naman ng OCTA Research kung saan nasa 34-36 ang ranking nito sa kabuuang 156 na kalahok sa midterm elections. RNT