Home OPINION SINOMANG PILIPINONG MAO-OSPITAL DAHIL SA INIT NG PANAHON, SAGOT NG PHILHEALTH

SINOMANG PILIPINONG MAO-OSPITAL DAHIL SA INIT NG PANAHON, SAGOT NG PHILHEALTH

OPISYAL na idineklara ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na pagsisimula ng panahon ng tag-init. Kasabay ito sa pagdiriwang ng Semana Santa, kung saan marami ang naglalakbay at nagsasagawa ng mga aktibidad sa loob at labas ng Metro Manila, maaaring malagay sa panganib ang kalusugan ng maraming Pilipino. Mapapansin tuwing panahon ng tag-init, ilan sa mga Pilipino ay biglaang nagkakasakit na nauugnay sa sobrang init ng araw.

Mula Enero 1 hanggang Ab­ril 29 ng nakaraang taon, ang Department of Health (DOH) ay nakapagtala na ng 77 kaso ng heat-related illnesses na nagresulta sa pagkamatay ng pitong katao.
Dahil dito, nagpaalala ang PhilHealth na may mga benepisyong nakalaan sa sinomang Pilipino na mao-ospital dahil sa mga sumusunod:

– Heat stroke, heat exhaustion, heat collapse, heat cramp at sunstroke: Php 12,675
– Heat fatigue o pagkapagod sa init at iba pang epekto ng init at araw: Php 18,135
– Moderate o Katamtaman hanggang sa matinding dehydra­tion: Php 7,800
– Varicella o chicken pox o bulutong tubig na walang kompli­kasyon: Php 7,800
– Typhoid fever o tipus: Php 19,500
– Sore eyes o conjunctivitis: Php 16,575
– Infectious diarrhea o acute gastroenteritis: Php 11,700
– Nakalalason na epekto ng pagkadikit sa isda at iba pang laman dagat tulad ng dikya, sea anemone, shellfish, at starfish: Php 11,115

Para sa matinding panga­ngailangan sa pangangalagang pangkalusugan, ipinapaalala rin ng PhilHealth na mayroong Outpatient Emergency Care Benefit (OECB) Package para sa pasyen­teng kinakailangang dalhin sa emergency room sa alinmang akreditadong Level 1 hanggang Level 3 na ospital sa buong bansa.

Samantala, patuloy na bi­ni­bigyang-diin ng PhilHealth ang kahalagahan ng pag-iingat at pag-iwas sa mga sakit.
“Pinaaalalahanan natin ang ating mga kababayan na uminom ng sapat na tubig, iwasan lumabas kapag tirik ang araw, at patuloy na maghugas ng kamay at maligo nang regular lalo na kung nasa byahe o ‘di kaya’y kasama sa mga outdoor acti­vities. Nais natin na ang panahong ito ginugugol man sa pagninilay o pagpapahinga kasama ang ating mga mahal sa buhay ay manatiling ligtas at masaya para sa ating lahat,” saad ni PhilHealth Acting President at CEO Dr. Edwin M. Mercado.

Para sa karagdagang de­talye, maaaring tawagan ang 24/7 touch points ng PhilHealth sa (02) 8662-2588 o sa mga mobile number (Smart) 0998-8572957, 0968865-4670, (Globe) 0917-1275987 o 0917-1275987 o 0917-127-5987.