
NANAWAGAN sa para sa katarungan at para sa mas maayos at tahimik na Pilipinas ang iba’t ibang grupo ng Chinese-Filipino community kasabay nang kanilang pagkondena sa brutal na pagpaslang sa negosyanteng si Anson Que at driver nitong si Armanie Pabillo.
Halos 33 organisasyon ng Chinoy community ang nagkakaisang lumagda sa “joint statement” na naglalaman hindi lang nang pagkondena sa pagpatay sa kanilang kasamang si Que at driver nito subalit ipinagdiriinan ang matinding panawagan para sa mabilis na aksyon sa paglutas sa kaso.
Kasama rin sa joint statement ang malalimang reporma at higit na proteksyon sa mga mamamayan.
Pero ang pinakamabigat sa panawagan ng mga ito, na maituturing na paglait sa kasalukuyang pamahalaan, ay mabilisang pagbabalik ng “Kaayusan at kapayapaan” sa buong bansa.
Ibig sabihin, hindi naniniwala ang mga Chinoy na kontrolado ng pamahalaan ang peace and order sa bansa. Kung naniniwala, bakit kailangang manawagan na ibalik kaagad? Bukod pa sa nangyari nga ang malagim na pagdukot at pagpaslang kay Que at driver niya.
Sa tatlong pinakahuling nangyaring kidnapping, lahat ay nangyari sa Metro Manila. Noong Pebrero sa Taguig City kung saan dinukot ang isang Malaysian student at nailigtas matapos magbigay ng ransom subalit pinutol ang isang daliri.
Nasundan ng pagdukot sa Kiosk owner ng Binondo hanggang nitong Marso 29 dinukot umano si Que habang patungo sa meeting nito sa Parañaque City.
Wala bang dapat managot sa mga pangyayaring ito? Sa kaso ng bank robbery, may one strike policy ang Philippine National Police, pero paano sa kidnapping? Wala lang, basta lang?
Sabagay sinabi ni PNP chief Gen. Rommel Marbil sa kanyang pakikipag-usap sa Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. na ”PNP is on top of the situation.”
Hindi naman kasi naniniwala ang mga batikan sa larangan ng pag-iimbestiga, hindi lang makapagsalita, na walang pulis na sangkot sa pagdukot sa mga Chinoy. Kahit sa nangyaring nakawan sa Chinese sa Las Piñas City, hindi rin sila naniniwala na walang basbas ng mataas na opisyal ng PNP. Kasi nga ang plano yata ay pasalubong sa promosyon.
Pero dapat magpatupad na ang PNP ng one strike policy kaugnay sa kidnapping. Huwag na iyong sa loob ng limang linggo ay may tatlong malalang kidnap for ransom tapos masusundan pa. Aba’y sobra na. May nakawan na, may kidnapping pa.
Ang masaklap, puro Chinese ang biktima, ay ikinakabit sa pagsibak sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO ang pangyayari. Bakit hindi muna sibakin kung sino ang dapat managot sa “command responsibility?”