MANILA, Philippines – Nagsagawa ng inspeksyon ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) sa iba’t ibang bus terminal bago ang Undas upang matiyak na sumusunod ang mga operator at driver sa mga patakaran sa pagpapalabas ng palabas sa pampublikong sasakyan.
Ayon sa MTRCB, isinagawa ang mga inspeksyon noong Oktubre 20, 27 at 29 upang tiyakin na tanging mga palabas na may G at PG rating lamang ang pinapakita sa mga bus.
“The activity underscores the Agency’s commitment to promote responsible and age-appropriate viewing, particularly in public spaces where families and children are likely to be present,” ayon sa pahayag ng ahensya.
Isinagawa ang inspeksyon sa mga terminal sa Maynila, Caloocan, Pasay, at Quezon City, at walang natukoy na paglabag. Paalala ni MTRCB Chair at CEO Lala Sotto sa mga operator na tungkulin nilang sundin ang Presidential Decree 1986 upang matiyak ang “safe and family-friendly environment, even while in transit.”
Hinihikayat din ng MTRCB ang publiko na i-report ang mga paglabag sa kanilang opisyal na social media accounts o sa email na [email protected]. Santi Celario