MANILA, Philippines- Magandang balita ang sasalubong sa mga motorista sa bisperas ng Bagong Taon dahil asahan na ang katiting na bawas-presyo sa mga produktong petrolyo na ipatutupad sa susunod na linggo.
Sa tantiya ng mga industriya ng langis, batay sa internasyonal na kalakalan sa nakalipas na apat na araw, sinabi ni Department of Energy-Oil Industry Management Bureau Assistant Director Rodela Romero na magkakaroon ng inaasahang rollback sa domestic pump prices.
Tinatayang bababa sa P0.30 hanggang P0.65 kada litro ang gasolina, P0.30 hanggang P0.55 kada litro sa diesel, at P0.80 hanggang P0.90 kada litro naman sa kerosene.
“This estimated adjustment is triggered by the IEA’s (International Energy Agency) continued expectation of an oversupplied oil market in 2025 even if OPEC+ (Organization of the Petroleum Exporting Countries Plus) holds production steady or continues to delay the unwinding of its voluntary production cuts,” ayon kay Romero.
Sinabi ng opisyal na ang mga huling pagsasaayos ay nakadepende sa resulta ng kalakalan noong Biyernes.
Ang mga kompanya ng gasolina ay nag-aanunsyo ng opisyal na pagsasaayos ng presyo kada litro sa mga produktong petrolyo tuwing Lunes, na magkakabisa sa susunod na araw.
Matatandaan na nitong Martes, Disyembre 24, 2024, nagpatupad ang mga kompanya ng langis sa bansa ng dagdag presyo na P0.50 sa kada litro ng gasolina, P1.45 sa kada litro ng diesel, at P0.75 sa kada litro ng kerosene. JR Reyes