Home NATIONWIDE CAAP nagpatupad ng system upgrade kontra ‘glitch’

CAAP nagpatupad ng system upgrade kontra ‘glitch’

MANILA, Philippines- Ibinahagi ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na ipina-upgrade na nila ang kanilang communications, navigation, surveillance/air traffic management (CNS/ATM) system upang maiwasan ang posibleng pag-ulit ng “glitch” noong 2022 na nakaapekto sa 200 flight sa mismong araw ng Bagong Taon.

Ayon kay CAAP spokesperson Eric Apolonio, naisaayos na umano nila at na-upgrade ang nasabing programa kung saan may inihanda pa umano silang backup system sakaling magkaroon ng hindi inaasahang pangyayari at magtuloy-tuloy naman ang paglipad ng mga eroplano.

Aniya, nakalagay na rin ang mga standby generator sakaling magkaroon umano ng power failure sa kanilang outside supply.

Matatandaang ang naganap na technical issue sa araw mismo ng Bagong Taon ay nakaapekto sa humigit-kumulang 56,000 mga pasahero dahil ang kanilang mga flight ay kinansela, inilihis, o naantala.

Samantala, pinayuhan ng CAAP ang mga pasahero na dumating sa paliparan tatlong oras bago ang kanilang flight upang maiwasan ang anumang abala sa gitna ng inaasahang pagdagsa ng mga tao para sa Bagong Taon. JR Reyes