Home OPINION PRESYO-SUPLAY NG BIGAS MALULUTAS BA NG IMPEACHMENT?

PRESYO-SUPLAY NG BIGAS MALULUTAS BA NG IMPEACHMENT?

MARAMING mangyayari sa Pinas sa susunod na taon pero may ilang katangi-tangi gaya ng problema sa bigas at impeachment.

Dahil sa malawak na pagkasira ng mga palayan sa nakaraang mga buwan, tanggap ng lahat ang pagkonti ng suplay ng bigas at hindi maiiwasan ang pagtaas o pananatiling mataas ang presyo nito.

Nitong nakaraang mga linggo lang, lumitaw na pumalpak ang inisyu ni Pangulong Bongbong Marcos na Executive Order No. 62 na naging epektibo noong Hulyo 2024.

Tahasang ibinaba ng EO 62 ang taripa o buwis ng bigas mula sa 35 porsyento sa 15% para lumaki ang importasyon at magmura ang bigas sa buong Pinas.

Pero hindi bumaba ang presyo ng bigas, at lalong hindi nagmura ang imported rice para sana mahila pababa ang presyo ng local rice.

Kumita lang ang mga importer at nalugi ang gobyerno.

IMPOSIBLENG IMPEACHMENT

Pagbalik ng sesyon sa Kongreso, maaaring talakayin na nila ang mga impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

Babalik sa sesyon ang mga kongresman at senador sa Enero 20, 2025 at magpapahinga sila sa Marso 21, 2025.

Isang tanong: Kaya ba ng mga kongresman na madaling aprubahan ang alinman sa tatlong impeachment at litisin ng Senado nang mabilis?

Sa kaso ni ex-Chief Justice Renato Corona, inaprub ng Kamara ang impeachment noong Disyembre 12, 2011, nilitis noong Enero 16, 2012 at natapos noong Mayo 29, 2012 o mahigit limang buwan.

Kay ex-Chief Justice Maria Lourdes Sereno, nagsimula ang impeachment sa Kamara noong August 30, 2017, nagkaroon ng oral argument sa Supreme Court noong Abril 10, 2018 at natapos noong Mayo 11, 2018 o kulang-kulang ng walong buwan.

Mukhang imposible ang impeachment sa sesyong Enero-Marso 2025 dahil magiging very busy na lahat ang mga kongresman at senador sa halalang Mayo 2025.

Isang napakahalagang tanong: Malulutas ba ng impeachment ang problema sa suplay at presyo ng bigas na mabigat na problema ng halos lahat ng 110 milyong Pinoy?