Home OPINION BAWAT REHISTRADONG BOTANTE, MAKATATANGGAP NG VOTER’S INFORMATION SHEET

BAWAT REHISTRADONG BOTANTE, MAKATATANGGAP NG VOTER’S INFORMATION SHEET

PINAGBABAWALAN ng Commission on Elections (COMELEC) ang local government units (LGUs) at mga Barangay official na siyang mamahagi ng Voter’s Information Sheets (VIS) kaugnay sa 2025 National and Local Elections 2025 ayon kay chairperson George Erwin Garcia.

Ang bawat rehistradong bo-tante ay dapat na makatanggap ng VIS alinsunod sa probisyon ng Republic Act No. 7904 na nag­lalaman ng mahahalagang impormasyon ng botante katulad ng presinto at lugar kung saan boboto, gayundin ang simpleng panuto, at buong listahan ng mga kandidato sa Pambansa at lokal na antas.

May mga kinuhang tao ang komisyon para siyang magdala nito sa bawat botante sa bawat lugar kaya hindi maaaring ibigay sa LGU at sa Barangay. Hindi naka-uniporme ang mga ito dahil sila ay emergency job order lamang ngunit mayroon silang COMELEC ID na dapat ipakita.

Sinabi ni COMELEC chairperson Garcia na natapos na ang pag-imprenta sa 68,431,965 VIS at sinisimulan na ang pamamahagi nito sa Northern Mindanao, Davao region, SOCCSKSARGEN o ang South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani at General Santos city, maging sa CARAGA region, at sa Bangsamoro Autonomous Region for Muslim Mindanao.

Hindi pinahihintulutan ng ko­misyon ang LGUs at Barangay na siyang mamahagi ng VIS upang mapanatili ang pagiging non-partisan ng eleksyon, maiwasan ang pamumulitika at pag- angkin ng kredito, at para mapangalagaan ang mga impormasyon ng mga botante.

Base sa isinagawang “Tugon ng Masa” survey ng OCTA Research na 66% ng mga rehistradong botante ang naniniwalang magiging talamak ang bilihan ng boto ngayong 2025 Natio­nal and Local Elections, habang nasa 34% naman ang nagsabing hindi sila naniniwalang mang­yayari ito.

Nasa 68% din ang nagsabi ang vote buying ay magkakaroon ng negatibong epekto sa resulta ng eleksyong magaganap sa May 12, 2025, mas mataas kaysa sa 32% na naniniwalang wala itong epekto.

Pinakamaraming naniniwala na may negatibong epekto ang vote buying sa eleksyon sa mga lugar tulad ng Metro Manila na nasa 73%; nasa 72% sa Ba­lance Luzon, at 70% sa Minda­nao.

Samantala, ang pinakama­ba­bang porsyento ng mga nag­sabing hindi negatibo ang epek­to ng bilihan ng boto sa resulta ng eleksyon ay naitala sa Visayas, na may 54%.

Isinagawa ang harapang pag­tatanong sa mga respondente mula Pebrero 20 hanggang Peb­rero 25, 2025, sa kabuuang 1,200 na lalaki at babae na may 18 pataas.

Ito ay may ±3 percent margin of error sa 95 percent na antas ng kumpiyansa. Para sa mga lugar na nasasakupan ng survey, ang subnational estimates ay may ±6 percent margin of error sa parehong antas ng kumpiyansa: Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao.

Sinabi ng Commission on Elections (COMELEC) na nakatanggap na sila ng 34 na ulat kaugnay ng bilihan ng boto, bentahan ng boto, at pang-aabuso sa gamit ng estado (abuse of state resources o ASR) para sa Eleksyon 2025. Sa bilang na ito, 23 insidente ay may kaugnayan sa bilihan at bentahan ng boto, habang 11 insidente ay may ka­ugnayan sa ASR.