NAKIUSAP ang pamunuan ng CWC o Council for the Welfare of Children sa mga magulang at mga beauty pageant organizer na huwag ng isali pa ang mga bata sa anomang timpalak pangkagandahan dahil maaaring maghatid lamang ito ng kapahamakan na maging sexual object at maging biktima ng mga sexual predator.
Nakatatanggap ang CWC, isang ahensiya na nasa superbisyon ng DSWD o Department of Social Welfare and Development ng mga child pageant na sumusobra na kaysa sa mga nakagawian.
Nangangamba rin ang ahensya sa posibleng maging epekto sa pisikal at emosyunal na pagkatao ng isang bata ng mga pagsali sa beauty pageant.
Maaari kasing walang malisya sa panig ng mga magulang at mga organizer pero sa mga manonood lalo na sa social media ay nagkakaroon ng kahulugan ang kanilang pananamit, paglalagay ng make-up at iba pa. Nagkakaroon din ng paghusga sa isang bata base sa kanyang itsura at maling oryentasyon hinggil sa “beauty standards”.
Imbes na makapagdulot ng kabutihan sa bata ay mas nailalagay siya sa panganib ng exploitation, at naaapektuhan ang kanyang paniniwala sa sarili, at maging ang kanyang mental health.
Masusing pag-aaralan din ng CWC ang posibilidad ng pagkakaroon ng limitasyon at mga regulasyon sa mga child beauty pageant para maiwasan ang anomang masamang epekto sa mga bata.
Muling nagbabala ang CWC sa mga magulang na pakaingatan at bigyang proteksyon ang kanilang mga anak sa gitna ng tumataas na kaso ng child exploitation lalo na sa social media at ang pagkakaroon ng “child to child abuse” na ginagawa mismo ng kapwa bata dahil sa pang-uudyok ng mga sexual predator o kanilang napapanood sa mga nakatatanda.
RESPONSIBILIDAD NG MAGULANG SURIIN
ANG MGA PINAPANOOD NG MGA BATA
ANG MGA PINAPANOOD NG MGA BATA
IDINAOS ang “Responsableng Panonood Family and Media Summit” sa pangunguna ng MTRCB o Movie and Television Review and Classification Board na may pangunahing layunin na maihanda ang pamilyang Filipino na maging “informed media consumers” noong nakaraang June 27, 2024.
Kabilang sa tinalakay ang mahalagang papel ng pamilya sa paghubog ng kaisipan ng mga anak bilang mga “unang guro” sa tahanan, at ang kasanayan na dapat magkaroon ang mga pamilya para matulungan at magabayan ang mga anak sa pipiliing tema at paksa ng panonooring palabas sa telebisyon.
Maliban kay MTRCB chairperson Diorella “Lala” Sotto-Antonio, dumalo rin sa nasabing summit sina Quezon City Mayor Joy Belmonte, journalist / TV host Korina Sanchez-Roxas, Department of Education school division superintendent Carleen Sedilla, safe schools chairperson Dr. Arlene Escalante, National Council for Children’s Television (NCCT) chairperson Dr. Luis Gatmaitan, at director III Sheryll Mundo ng Presidential Communications Office.
Tinawag ni Mayor Belmonte ang pagtitipon bilang “crucial development” sa pagpapaalala sa mga magulang ng kanilang responsibilidad na suriin ang mga palabas sa telebisyon na tinatangkilik ng kanilang mga anak.
Ang “Responsableng Panonood Family and Media Summit” ay alinsunod sa kagustuhan ni President Ferdinand “BBM” Marcos, Jr. na mapataas ang antas ng media and information literacy sa buong bansa. Alinsunod sa Presidential Decree No. 1986, mandato ng MTRCB na suriin at bigyang klasipikasyon ang mga ipapalabas sa mga sinehan at telebisyon para sa pangkalahatang proteksyon ng publiko.






