Home OPINION INTRIGA SA ITINATAYONG BAGONG SENATE BUILDING KAPANAPANABIK

INTRIGA SA ITINATAYONG BAGONG SENATE BUILDING KAPANAPANABIK

SENTRO nang usapan-usapan ngayon ang nangyaring bangayan sa pagitan nina Senators Nancy Binay at Alan Peter Cayetano kaugnay sa binubusising halaga sa itinatayong bagong gusali ng Senado sa Bonifacio Global City sa Taguig City.

Kahit kasi ilang ulit ng nilinaw ni Cayetano, chairman ng Senate Committee on Accounts, na wala silang sinasabing anomalya at hindi ito isang imbestigasyon kundi pagrerebisa lamang sa lumobong halaga na kailangang masuring mabuti at kung makatuwiran ba ang paglobo nito, hindi naging maganda ang dating ng pagsusuri para kay Sen. Nancy Binay na siyang dating chairperson ng naturang komite.

Malinaw naman sa pagdinig kung ano ang tinutumbok na isyu sa Department of Public Works and Highways at iyon ang ang kawalan ng malinaw na numero at petsa kung kailan matatapos ang proyekto dahil sa tila hindi plantsadong proseso.

Halos wala rin kasing nagaganap na pag-uusap kaya paulit-ulit ang rebisyon sa engineering at architectural design nito. Kaya siguro humingi nang paumanhin si DPWH Undersecretary Emil Sadain kay Cayetano sapagkat baka nga may mali siya nang isiwalat ang impormasyon tungkol sa halaga ng konstruksyon ng gusali.

Nauna na kasing isiniwalat ni Sadain sa media na P5.7 bilyon ang halaga ng building construction sa ilalim ng Phase 3 gayong ang halaga pala nito pagkatapos ng bidding na inamin din ng DPWH sa pagdinig ay P7.359 bilyon.

Kahit naman wala sa pagdinig si Binay, minomonitor niya ito kaya nang marinig ang pagso-sorry ni Sadain, sumali na siya pagdinig at iginiit ang kanyang sariling pigura ng numero kasabay nang pagsasabi na walang dahilan para humingi ng dispensa ang kalihim kahit naka-record na ang kanyang pagso-sorry.

Wala namang problema talaga kung makisali si Binay sa pagdinig dahil bukod sa karapatan niya ito, dapat lang siyang humarap bilang dating chairperson ng komite kaya lang, sa pag-upo pa lang niya ay tila mainit na ang ulo at ipinilit ang sarili niyang interpretasyon sa mga numero nang wala sa tamang konteksto.

Umani tuloy nang hindi magandang reaksyon ito sa netizens sa social media. Siguro, binibigyan ng malisya at maling interpretasyon ng butihing senadora ang ginagawang pagsusuri ng bagong liderato ng Senado sa lumobong halaga nang pagtatayo ng kanilang magiging bagong tahanan sa Taguig City kaya tuloy parang pini-personal niya ang isyu at iniuugnay ang hindi magandang relasyon ng Makati, na kanyang lungsod, at Taguig na lungsod naman ni Cayetano.

Nagiging kapana-panabik tuloy ang susunod na pagdinig lalo na’t sinabi ni Cayetano na aabutin ng dalawa o tatlong pagdinig pa ang isyung ito dahil nga mahalagang makita kung tama ang paggamit ng halaga. Hindi kasi porke’t aprubado ng nakaraang liderato ang budget na inilaan ay dapat na ngang gamitin ang lahat nito.

Sabi nga ng magiting na senador ng Taguig, iba ang pwede sa dapat at iba rin ang ligal sa moral. Ginamit pa nga niya ang talata sa bibliya sa ilalim ng 1 Corinthians 10:23 na kung saan nakasaad na “All things are permitted, but not all things are of benefit. All things are permitted, but not all things build people up.” Sana lang, ang talatang ito sa bibliya ay isapuso ng ating mga magagaling na mambabatas.