Home OPINION UMATAKE NA NAMAN SI TRILLANES

UMATAKE NA NAMAN SI TRILLANES

UMATAKE na naman si dating Senador Antonio Trillanes IV.

Nagsampa siya ng kasong pandarambong laban kina dating Presidente Duterte at Senador Bong Go.

Sabi ni Sen. Bong Go ang mga akusasyon ni Trillanes ay recycled issue na hindi naman napatunayan noon pa man.

Ani Go, gumagawa lang ng ingay si Trillanes dahil kakandidato ang “laos na senador” sa pagka-mayor ng Caloocan.

Aniya, si Trillanes na tinawag niyang “attack dog” ay magaling lang sa pagkahol para manakot ng mga kaaway.

“Naging tradisyon niya ang manira tuwing nalalapit ang eleksyon. Parang negosyo na niya iyan para kumita o makilala,” ang sabi ni ng kasalukuyang senador ukol kay Trillanes.

Aw, aw, aw!

 Tunay na Patriyotikong Pilipino

Tungkol sa isyu sa West Philippine Sea, marami tayong mga kababayang mababasa sa social media na aakalin mong mga totoong nagmamahal sa Pilipinas.

Kung makapag-udyok ng giyera, tipo bang sila ang agad na susugod laban sa Tsina at handang mamatay para ipagtanggol ang ating soberanya.

Ayon nga kay Mr. Roberto Tan, pangulo ng grupong Patriyotikong Pilipino, dapat maging maingat si Pangulong Bongbong Marcos sa isyu sa WPS. Halatang may pwersang pinag-aalab sa galit ang mga Pilipino upang maisulong ang adyendang pangdigmaan ng Estados Unidos.

Hindi ba ninyo napapansin, kada maliit na insidente ng kiskisan at girian sa pagitan ng mga coast guard ng China at Pilipinas ay pinalalaki nang husto ang balita sa media?

Halatang-halata na ang malalaking network ng pagbabalita sa ating bansa ay anti-China at pro-Amerika.

Hindi nila iniisip na kung humantong sa giyera ang hidwaan sa WPS, unang-unang mapupulbos ang ating bansa at kapag naganap ito, kaawa-awa ang ating lahi.

“Kung nais ni Pangulong Marcos at ng kanyang mga alipores na makipag-away sa Tsina ay sila-sila na lang mga lider. Huwag nilang idamay ang nanahimik na mamamayan ng China at Pilipinas.

Walang sinoman ang gusto ng giyera. Nakagigimbal kapag muling nagkagiyera dahil sa away sa WPS,” ang sabi naman ni Mr. Ed Landayan, presdiente ng Philippine Peace Solidarity Council.

Ang grupong PATRIYOTIKONG PILIPINO na kinabibilangan ng mga magsasaka, manggagawa, OFW at iba pang sektor na noong isang taon lang itinatag sa Pilipinas ay sumusuporta sa mga bansang bumubuo sa  BRICS.

Silang mga bansa sa BRICS na sinamahan na rin ng marami pang nasyon ay nangangampanya para sa kapayapaan, kaayusan, katatagan ng ekonomiya at kabutihan ng buong mundo.

Kagaya ko, ang kanilang sigaw ay “LET’S MAKE PEACE, NOT WAR!”