Home OPINION UNIQUE JOURNEY TO WORLD CLASS

UNIQUE JOURNEY TO WORLD CLASS

NAIINTINDIHAN natin si Caloocan City Rep.Oscar ‘Oca’ Malapitan nang maging emosyonal habang nagtatalumpati sa harap ng graduates sa 50th Commencement Exercises ng University of Caloocan City sa Mall of Asia Arena.

Marahil, sa sobrang saya ay nadala ng emosyon ang butihing kongresista habang ikinukwento ang ‘unprecedented journey’ ng UCC –  bilang maliit na kolehiyo at  ngayo’y isa na sa kilalang unibersidad.

Nagsimula noong 1971 sa tawag na Caloocan City Community College, hanggang maging Caloocan City Polytechnic College at UCC na iilan lang ang mga estudyante sa lumang dalawang palapag na gusali sa Sangandaan, Caloocan.

Tumagal ng mahigit apat na dekada hanggang mahalal ang ngayo’y congressman Malapitan bilang alkalde ng lungsod noong 2013 at nagsimulang maglakbay hanggang narating ng UCC ang kinalalagyang estado sa kasalukuyan.

Mula sa maliit at masisikip na iilang kuwarto, makalipas lang ng unang taon bilang punong lungsod ay nagkaroon ng modernong gusali sa Biglang Awa, Grace Park na kung tawagi’y UCC South campus.

Sinundan ito ng konstruksyon ng UCC Camarin Campus, UCC Congress Campus at ang bubuksang UCC Bagong Silang Campus na lahat ay nasa North Caloocan City.

Noong 2015, ang noo’y konsehal  na ngayon ay Mayor Dale Gonzalo ‘Along’ Malapitan ay nagharap ng bill sa konseho ng Caloocan na naglalayong malibre ang tuition fee sa UCC na tinatamasa na ngayon ng mga estudyante ng naturang unibersidad.

Mula sa wala pang 100 bilang ng estudyante, ngayo’y mahigit 20,000 na ang mga mag-aaral ng UCC na kumukuha ng kursong tulad ng BS in Accountancy, Criminology, Computer Science, Hotel and Restaurant Management at iba pang kurso.

Bukod pa ito sa abogasya at master degrees at sa darating na school year ay sisimulan na ang Engineering at Medical courses sa bagong UCC building sa North, Caloocan.

Narating ng UCC ang pangarap lang noon subali’t napasakamay na ngayong estadong “world class” na kalidad ng edukasyon dahil sa ‘di matatawarang paglilingkod ng ‘father and son’ tandem nina Rep. Oca at Mayor Along Malapitan.