MANILA, Philippines – Pinangunahan ni Mayor Edwin L. Olivarez ang pagtanggap ng Pamahalaang Lungsod ng Parañaque kay Clark Development Corporation (CDC) President at CEO Hon. Agnes VST Devanadera at iba pang matataas na opisyal ng korporasyon sa isinagawang benchmarking visit noong Miyerkules, Hulyo 15.
Naging daan ang pagbisita upang magbahaginan ng mga pinakamahusay na pamamaraan at higit pang mapagtibay ang ugnayan ng mga institusyon bilang suporta sa Ease of Doing Business Law. Tampok sa benchmarking ang pangunahing programa ng lungsod na Parañaque Electronic BPLO Online System and Services (Pque-eBOSS), na nagbigay ng malaking pagbabago sa proseso ng pagkuha ng business permits at licenses sa pamamagitan ng pagpapasimple ng mga hakbang, pagpapabilis ng pagproseso, at pag-aalis ng red tape.
Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Olivarez ang mas malawak na epekto ng inobasyong ito sa pagbabago ng lokal na pamamahala at sa pagpapatatag ng Parañaque bilang huwarang lungsod sa pagpapatupad ng Ease of Doing Business.
“Ang Pque-eBOSS ang aming pangunahing programa na naglalayong pagandahin ang klima ng negosyo at pataasin ang kahusayan ng paghahatid ng serbisyo publiko. Kinikilala ito bilang isa sa mga haligi ng Ease of Doing Business Law sa bansa at sumasalamin sa aming matatag na pangako na gawing tunay na business-friendly ang ating lungsod.”
Ayon pa kay Olivarez, nagbunga ng positibong resulta ang mga reporma ng lungsod. Mula sa P935 milyon na koleksiyon ng kita noong 2012, umabot na ito sa P5.19 bilyon, habang mahigit 26,000 rehistradong negosyo na ang kasalukuyang nagpapatakbo sa Parañaque.
Kapansin-pansin ding ang Parañaque ang kauna-unahang lokal na pamahalaan sa Pilipinas na nagpatupad ng ganap na automated at end-to-end online business registration system noong 2023, na nagpapatunay sa determinasyon ng lungsod na manguna sa digital transformation.
Binigyang-diin din ng alkalde na ang Pque-eBOSS ay hindi lamang isang teknolohikal na pag-upgrade kundi isang malinaw na pagpapakita ng pangako ng lungsod sa transparency, episyensya, at maagap na serbisyo publiko.
“Sa pamamagitan ng inobasyong ito, nakalikha tayo ng isang kapaligiran kung saan ang mga negosyante, lalo na ang ating mga micro, small, and medium enterprises (MSMEs), ay mas nakapagtutuon ng pansin sa inobasyon, pagpapalawak ng kanilang negosyo, paglikha ng trabaho, at patuloy na pagpapalago ng ating lokal na ekonomiya, sa halip na maabala sa mga prosesong administratibo,” ani Mayor Olivarez.
Idinagdag pa ni Olivarez na ang benchmarking visit ay patunay ng iisang layunin ng Pamahalaang Lungsod ng Parañaque at ng Clark Development Corporation.
“Ang pagtitipon natin ngayon ay higit pa sa isang learning engagement. Isa itong pagkakataon upang magbahaginan tayo ng pinakamahusay na mga pamamaraan, matuto mula sa isa’t isa, at higit pang pagtibayin ang ating sama-samang hangarin na makapaghatid ng maagap, makabago, at episyenteng serbisyo publiko. Naniniwala kami na mahalaga ang matatag na ugnayan ng ating mga institusyon upang maisulong ang mabuting pamamahala at makabuluhang mga reporma para sa kapakinabangan ng ating mga mamamayan at mga taxpayer,” ani Olivarez.
Naging mahalagang hakbang ang pagbisitang ito sa pagpapalakas ng ugnayan ng dalawang institusyon, na lalo pang nagpapatibay sa pagkilala sa Parañaque bilang huwarang lungsod sa pagpapatupad ng Ease of Doing Business at digital governance.
Dumalo rin sa programa sina City Administrator Fernando C. Soriano; Business Permits and Licensing Office Chief Atty. Melanie T. Soriano-Melaya; City Planning and Development Coordinator Engr. Benigno I. Rivera; City Building Official Engr. Diamela M. Apolinario; City Health Officer Dr. Darius J. Sebastian; City Environment and Natural Resources Office Chief Bernardo Amurao; at BFP–Parañaque City Fire Marshal FSUPT Liher T. Barrios. James I. Catapusan