Home NATIONWIDE Nasa 10K Paranaque seniors tumanggap ng P3K social pension

Nasa 10K Paranaque seniors tumanggap ng P3K social pension

5
0

MANILA, Philippines – Sa pamumuno ni Mayor Edwin L. Olivarez ay matagumpay na naipamahagi ng Pamahalaang Lungsod ng Parañaque ang social pension o pensiyon panlipunan para sa ikalawang quarter ng 2026 sa mga maralitang nakatatandang mamamayan sa lahat ng 16 na barangay ng lungsod.

Pinangunahan mismo ni Olivarez ang distribusyon kung saan 9,968 na maralitang senior citizen mula sa 16 na barangay ang tumanggap ng kanilang benepisyo.

Ayon kay Olivarez, bawat benepisyaryo ay tumanggap ng P3,000 na quarterly stipend, katumbas ng P1,000 kada buwan, upang makatulong sa kanilang mga pangunahing pangangailangan tulad ng pagkain, gamot, at iba pang pang-araw-araw na gastusin.

Ang programa, na ipinatutupad sa pakikipagtulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), ay nagbibigay ng pinansyal na ayuda sa mga kwalipikadong senior citizen na walang pinagkakakitaan o regular na suporta mula sa kanilang pamilya, at hindi tumatanggap ng pensiyon mula sa Social Security System (SSS), Government Service Insurance System (GSIS), Philippine Veterans Affairs Office (PVAO), o alinmang kompanya ng seguro.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Olivarez ang patuloy na pagpapabuti ng programa. Aniya, mula sa dating P500 kada buwan, nadoble na ang halaga ng cash aid at naging P1,000 kada buwan.

Tiniyak din niya na patuloy na makikipagtulungan ang Pamahalaang Lungsod ng Parañaque sa pambansang pamahalaan upang mas marami pang kwalipikadong maralitang senior citizen ang makinabang sa naturang programa.

“Patuloy nating pinapalakas at pinauunlad ang programang ito sa tulong ng pambansang pamahalaan, ng ating lungsod, at ng ating mga barangay. Palalawakin pa natin ito upang mas marami pang nakatatanda ang makinabang, dahil layunin nating matiyak na walang senior citizen ang maiiwan at lahat ay mabibigyan ng suporta ng pamahalaan,” ani Olivarez.

Bukod sa social pension, nagpapatupad din ang Pamahalaang Lungsod ng Parañaque ng iba’t ibang programa para sa kapakanan ng mga nakatatandang mamamayan kung saan kabilang dito ang pamamahagi ng Pamaskong Handog packages, gayundin ang birthday at Christmas cash gifts na nagsisilbing karagdagang pinansyal na tulong sa mga espesyal na okasyon.

Nagkakaloob din ang lungsod ng cash incentive sa mga residenteng edad 80 pataas sa pamamagitan ng pre-centenarian at centenarian program gayundin ang pakinabang ng mga senior citizen sa libreng panonood ng sine sa lahat ng sinehan sa lungsod, libreng parking, at exemption sa umiiral na number coding scheme.

Bukod dito, nagbibigay rin ang lungsod ng burial assistance sa mga pamilya ng mga pumanaw na senior citizen upang makatulong sa gastusin sa pagpapalibing at makapagbigay ng suporta sa panahon ng pagdadalamhati. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here