MANILA, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang Chinese national na pasok sa listahan ng Most Wanted Person sa Region IV-A (Calabarzon) sa Negros Oriental habang sinusubukang bumyahe patungong Mindanao.
Ayon kay Capt. Stephen Jaynard Polinar, spokesperson ng Negros Oriental Police Provincial Office (NOrPPO), kinilala ang suspek na si alyas “Xi,” 34-anyos na babaeng Chinese, na nahuli sa Barangay Looc, Dumaguete City noong Biyernes ng gabi.
Ang suspek na dating empleyado ng Philippine Offshore Gaming Operator, ay patungo sa Dumaguete port para sumakay ng fast ferry patungong Dapitan City sa Zamboanga del Norte.
Hindi pa matukoy ng mga awtoridad kung gaano na katagal sa Dumaguete ang babaeng Chinese bago ito maaresto.
Ani Polinar, nakikipag-usap ang Chinese sa mga awtoridad sa pamamagitan ng translation application.
Ang suspek ay inaresto sa bisa ng warrant na inisyu sa robbery sa ilalim ng Article 294, Paragraph 5 ng Revised Penal Code, as amended.
Ayon kay Dumaguete City police chief Lt. Col. Don Richmond Conag, nananatili sa kustodiya ng Dumaguete City Police Station ang Chinese national bago ibalik ang warrant of arrest sa nag-isyung korte sa Luzon.
Isinagawa ang operasyon ng Police Regional Office-Negros Island Region, Dumaguete City Police Station at NOrPPO, sa pakikipagtulungan sa Anti-Carnapping Section-Regional Intelligence Division of the National Capital Region Police Office, Bacoor City Police Station, Regional Intelligence Division-Regional Special Operations Unit 4A, at Presidential Anti-Organized Crime Commission Task Force. RNT/JGC