MANILA, Philippines – Nagbabala ang Bureau of Customs (BOC) sa publiko laban sa mga “love scam” o panlolokong gumagamit sa pangalan ng ahensya upang makapanloko ng mga biktima sa pamamagitan ng pagpapabayad para umano sa pagpapalabas ng parcel o regalo mula sa ibang bansa.
Ayon sa BOC, ginagamit ng mga scammer ang pangalan ng ahensya upang magmukhang lehitimo ang kanilang modus at mapaniwala ang mga biktima na kinakailangang magbayad ng buwis, duties, processing fee o iba pang singil bago umano mailabas ang ipinadalang package.
Karaniwang nagsisimula ang modus sa pakikipagkilala sa social media, messaging applications o online dating platforms.
Kapag nakuha na ang tiwala ng biktima, sasabihin ng scammer na nagpadala siya ng mamahaling regalo mula sa ibang bansa tulad ng alahas, gadgets, pera o iba pang mahahalagang gamit. Sa ilang pagkakataon, nagpapadala pa umano ang mga ito ng maliit at lehitimong parcel upang mas makuha ang tiwala ng biktima.
Kalaunan, makatatanggap ang biktima ng tawag, text o mensahe mula sa taong nagpapakilalang empleyado ng Customs at magsasabing naka-hold ang package hangga’t hindi nababayaran ang mga kinakailangang bayarin.
Upang magmukhang totoo ang transaksyon, gumagamit ang mga scammer ng pekeng invoice, shipping documents, tracking records, pekeng tracking websites, at maging mga inedit na larawan ng parcel o mamahaling regalo.
Sa mga naitalang kaso, pinagbabayad ang mga biktima sa pamamagitan ng personal na bank account, e-wallet o money remittance service. May ilan ding paulit-ulit na sinisingil ng iba’t ibang bayarin bago umano mailabas ang package.
Binigyang-diin ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na hindi bahagi ng opisyal na proseso ng ahensya ang ganitong uri ng transaksyon.
Aniya, walang sinumang opisyal o empleyado ng BOC ang awtorisadong tumanggap o maningil ng bayad sa pamamagitan ng personal na bank account, e-wallet o money remittance service.
Hinimok din niya ang publiko na maging mapanuri sa pakikipagkilala sa mga nakikilala lamang online at agad iulat ang anumang kahina-hinalang tawag, mensahe o email na gumagamit ng pangalan ng Bureau of Customs upang makahingi ng pera.
Pinaalalahanan din ng BOC ang publiko na tiyaking beripikahin muna ang anumang impormasyon sa mga opisyal na komunikasyon ng ahensya bago magpadala ng anumang halaga upang hindi mabiktima ng panloloko. RNT/JGC