Home METRO Bentahan online ng unclaimed balikbayan boxes iniimbestigahan ng BOC

Bentahan online ng unclaimed balikbayan boxes iniimbestigahan ng BOC

MANILA, Philippines – INIIMBESTIGAHAN ng Bureau of Customs (BOC) ang umano’y pagbebenta ng hindi na-claim na balikbayan boxes sa pamamagitan ng online.

Ayon kay BOC spokesperson Michael Fermin, iniimbestigahan umano nila kung saan ang source o pinagkukuhaan at anong mga balikbayan boxes ang ibinebenta online.

Sa ginawang paghahanap sa isang social media app ay nagpapakita ng mga pag-post ng mga hindi na-claim na balikbayan box na inaalok sa halagang P5,000. Kamakailan, isang viral video ang nagpakita sa isang content creator na nagsasabing bumili siya ng care package sa halagang P5,000.

Tahasan naman na itinanggi ng BOC na nagbebenta sila ng mga balikbayan box ngunit inamin ng ilang kumpanya ng kargamento na nagbebenta ng mga hindi na-claim na pakete na nakaimbak sa kanilang mga bodega nang mahigit isang taon sa mga online traders sa halagang P3,000 hanggang P5,000.

“We have spent money to mobilize the cargo from their homes, and shipping it all the way and sending it to there and keeping it in safe and secure custody with us,” ayon naman kay Golden Express International Cargo CEO George Matthew.

Samantala, ilang overseas Filipino worker (OFWs) na nawalan ng kanilang mga balikbayan box ang nagsabing hiniling ng BOC sa kanila na magbayad ng P18,000 hanggang P20,000 para mahanap ang kanilang mga parsela kung saan itinanggi naman ito ni Fermin ang nasabing paratang.

“Kung mapaatunayan po natin yan we will make sure po that we will file administrative cases and we will suspend or terminate itong empleyado na ito,” ani Fermin.

Maglalabas ang BOC ng listahan ng mga accredited consolidator at forwarding company para gabayan ang mga OFW na magpapadala ng mga balikbayan box at maiwasan ang mga ito na mahulog sa mga scammer. JAY Reyes

Previous articleParak utas sa sariling baril
Next articleDelivery rider tiklo sa shabu sa Taguig